PBA 3X3 Giga at App Masters, nagkasubukan sa finals
ni Gerard Arce - @Sports | April 4, 2022

Muling magtatapat sa final round ng 2nd leg ang TNT Tropang Giga at Limitless App Masters para sa kanilang rematch kasunod ng magkahiwalay na tagumpay sa semifinals kagabi sa 5th leg ng PBA 3X3 “Lakas ng Tatlo” sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa ikatlong pagkakataon ay pumasok sa finals ang TNT Tropang Giga sa 2nd Conference nang isintunado ang Platinum Karaoke sa bisa ng 21-15, habang pinulutan ng Limitless App ang Purefoods TJ Giants sa pamamagitan ng 21-9 panalo upang itakda ang 3rd leg rematch na pinagwagian naman ng Limitless App.
Pinagbidahan ni Lervin Flores ang atake ng Tropang Giga sa 7pts at 9 rebounds katulong sina Almond Vosotros, Martin Gozum at Chris Javier para dalhin sa battle-for-third ang grupo nina Ryan Monteclaro, Ael Banal, Yutien Andrada at Chris de Chavez na makakalaban ang Purefoods para sa P30,000 cash prize.
Nagbida naman para sa Limitless si Jorey Napoles sa 5pts at 8rebs at ang matinding depensa nito kay Val Acuna katulong ang 31st Southeast Asian Games-bound na sina Fil-American Brandon Ganuelas-Rosser, at Marvin Hayes sa gabay ni coach Willie Wilson.
Magsasagupa naman ang TNT at Limitless, na maraming beses ng nagtagpo at nagbakbakan sa semifinals at final round sa dalawang komperensya, para sa P100,000 first prize, habang mayroong P50,000 cash-prize ang magtatapos bilang runner-up.
Kumamada ng 12pts, 8 rebounds at 3 assists si Vosotros para sa Tropang Giga upang higitan ang Pioneer sa 22-18 at umusad sa semis kalaban ang Platinum na pinadapa naman ang Sista Super Sealers sa sariling quarterfinals. Pinanindigan ni Rosser na siya ang isa sa mga top-picks ng 2022 PBA rookie draft ng kumamada ng 13pts sa 8-f-10 shooting para patalsikin ang San Miguel Beer sa 21-16 at kaharapin ang Purefoods na sinipa ang 4th leg champions na Meralco Bolts 3X3.





Comments