Payapa at malinis na halalan, tiyakin, plis lang!
ni Ryan Sison - @Boses | March 28, 2022
Kasabay ng pagbubukas ng campaign period para sa lokal na posisyon noong Biyernes, Marso 25, dinoble ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang monitoring laban sa pananamantala ng ilang indibidwal at paglabag ng mga kandidato at kanilang supporters.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Jean Fajardo, mas magiging maigting ang pagbabantay ng PNP at iba pang law enforcement agencies sa local position, lalo pa’t mainit ang labanan sa mga pangangampanya rito.
Ayon sa opisyal, bagama't mahigit 18,000 lokal na posisyon ang paglalabanan ng mga kandidato, wala pa silang nakikitang “credible threat” na maaaring makagambala sa parating na halalan.
Matatandaang nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na magiging maluwag ang mga patakaran para sa pangangampanya dahil ipinatutupad ang Alert Level 1 at 2 sa bansa at kailangan na lamang ng LGU permit.
Sa ilalim ng Alert Level 1, 100% ng venue capacity ang pinapayagan, habang sa Alert Level 2, aprubado naman ang hanggang 70% ng kapasidad.
Gayunman, ipinagbabawal pa rin ang pagyakap, paghalik, hawak-kamay at pagkuha ng mga selfie sa campaign activities.
Ngunit dapat pa ring ipatupad ang minimum public health standards, disinfection at social distancing sa campaign rallies.
Bukod sa pagbabantay kung nasusunod ang health protocols, kailangan ding bantayan ang seguridad ng mga kandidato at kanilang tagasuporta.
Sa rami ng nag-aasam na maupo sa posisyon, asahan na natin ang mahigpit na labanan, pero sana'y maiwasan ang marahas na paraan sa pamamagitan ng mahigpit na pagbabantay ng ating kapulisan.
Habang naghahangad tayo ng matitino at karapat-dapat na susunod na mga lider ng ating bansa, 'wag nating kalimutan na prayoridad natin ang payapa at malinis na halalan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments