top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Pautang sa OFWs, ipatupad agad

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 1, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 1, 2023


Upang makapagbigay ng tulong o credit assistance sa ating mga overseas Filipino worker (OFW) isang panukalang batas ang inihain ng isang mambabatas.


Ito ang Senate Bill No. 2390 o ang panukalang Act Establishing a Credit Assistance Program (CAP) para sa mga OFWs.


Ayon kay Senador Lito Lapid, author ng naturang bill, makaka-avail ang mga kuwalipikadong OFW ng pautang na hanggang P50,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).


Sinabi ng senador na hindi sapat na kilalanin lang natin ang mga kontribusyon ng mga OFW sa ating bansa. Sa pagkilala sa kanilang napakalaking papel sa ating ekonomiya, dapat na tumutugon tayo sa kanilang mga pangangailangan upang mabayaran ang kanilang mga sakripisyo.


Paliwanag ni Lapid, ang panukalang ito ay makakatulong sa mga OFW upang magkaroon ng panggastos ang kanilang mga pamilya sa loob ng tatlong buwan, kabilang na rin ang bayad sa recruitment process at plane tickets.

Sa ilalim pa ng panukala, ang utang ay maaaring bayaran sa loob ng 12 buwang installments o higit pa subalit hindi lalagpas sa 24 na buwan na may interest rate na 6 na porsyento kada taon.


Malaking kaginhawaan ang isinusulong ng Senado na pautang para sa ating mga OFWs dahil sa makatutulong ito na panustos sa mga gastusin para sa kanilang mga pamilya sa mga buwan ng kanilang pagkawala upang magtrabaho sa ibang bansa.


Gayundin, magagamit nila bilang panggastos naman sa recruitment, kabilang na rito ang mga placement fees, documentation costs, at siyempre ang plane tickets na kanilang babayaran.


Isa pa rito, makakampante sila na ang kani-kanilang pamilya ay maayos nilang iiwanan habang makakapagpokus pa sa kanilang trabaho sa ibang bansa.


Malaking kabawasan din ito sa alalahanin ng mga OFWs na kinilala nating may pinakamalaking ambag sa ekonomiya ng ating bansa. Pakiusap lang natin sa kinauukulan na sana ay agad itong maipatupad.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page