Pautang ng gobyerno sa maliliit na negosyante, dapat paahon 'di palubog
@Editorial | March 25, 2023
Lusot na sa pangatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang naglalayong magtayo ng collateral-free financing program para sa micro and small enterprises (MSEs).
Sang-ayon ang 278 mambabatas sa House Bill No. 7363 o ang Pondo sa Pagbabago at Pag-Asenso Act na magbibigay ng affordable, accessible at financing program para sa MSEs, lalo na ang mahihirap sa malayong lugar.
Sa ilalim ng panukalang-batas, bubuo ng Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (P3) Fund na maaaring ipahiram sa MSEs na kuwalipikado sa terms and conditions nito.
Umaasa tayo na sa pamamagitan ng programang ito ay tuluyan nang makaahon ang ating mga kababayan na grabe ang dinanas sa pandemya.
Sa pamamagitan din nito ay maisasalba o maiiwas sila sa mga 'loan shark'. Marami na ang biktima ng mga pautang na grabe ang tubo. May iba na humahantong na sa pagpapakamatay dahil lubog na lubog na sa utang, habang mayroon ding kumakapit na sa patalim.
Sakaling tuluyang lumarga ang pautang na ito ng gobyerno, sana ay mapabilang dito ang mga karapat-dapat at talagang magabayan sila sa pag-asenso hanggang sa mas lumawak pa ang programa at mas marami pa ang matulungan.



Comments