Paul nanleksiyon at Butler nagpainit sa HEAT
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 30, 2022

Numero lang ang edad para kay Chris Paul at tinuruan ng beteranong gwardiya ang mga kabataan ng bisitang Minnesota Timberwolves sa 134-124 panalo ng nangungunang Phoenix Suns sa NBA kahapon sa Footprint Center. Lumayo din ang Miami Heat para sa liderato ng Eastern Conference sa bisa ng kanilang 121-114 panalo sa bisitang Los Angeles Clippers.
Triple double ang 36 anyos na si Paul na 21 puntos, 10 rebound at 14 assist at humaba sa siyam ang kanilang sunod-sunod na panalo at pangkalahatang kartadang 39-9. Inangat din ni Paul ang laro ng mga kakamping sina Devin Booker na may 29 puntos at Cameron Johnson na may 23 puntos.
Kinailangan ng Heat ang matatag na laro sa fourth quarter nina Jimmy Butler at Bam Adebayo para umakyat sa 32-17. Nagtapos na may 26 puntos si Butler at 20 puntos at 12 rebound si Adebayo subalit malaki din ang ambag ni Gabe Vincent na may 18 ng kanyang 23 puntos sa third quarter para lumamang, 96-80.
Sumabay sa panalo ng Suns ang pumapangatlong Memphis Grizzlies at iniligpit ang bisitang Utah Jazz, 119-109. Ipinagdiwang ni Ja Morant ang pagpili sa kanya bilang All-Star at bumuhos ng 30 puntos, 10 rebound at 10 assist at 34-17 na ang Grizzlies.
Triple double din si MVP Nikola Jokic na 29 puntos, 13 rebound at 10 assist at pinadapa ng Denver Nuggets ang New Orleans Pelicans, 116-105. Bumanat ng 27 puntos si Dunk Champion Anfernee Simons, 26 si CJ McCollum at 25 at 13 rebound si Jusuf Nurkic at tinambakan ng bisitang Portland Trail Blazers ang Houston Rockets, 125-110.
Kabaligtaran ang nangyari sa humahabol sa Heat na Chicago Bulls at nanaig sa kanila ang San Antonio Spurs,131-122, kasabay ng pagbisita ni All-Star DeMar DeRozan sa kanyang dating koponan. Ipinakita ni Dejounte Murray na siya na ang bagong bituin ng Spurs sa kanyang 29 puntos at 12 assist.
Ginamit muli ng Charlotte Hornets ang kanilang numero unong opensa sa buong NBA at tinalo ang bisitang Los Angeles Lakers, 117-114, salamat kay Miles Bridges na may 26 puntos at Ish Smith na may 22 habang tig-20 sina LaMelo Ball at Terry Rozier. Gumawa ng 35 puntos si Russell Westbrook sa gitna ng hindi paglaro nina LeBron James (tuhod) at Anthony Davis (pulso).
Sa ibang mga laro, patuloy ang tahimik na pag-angat ng Atlanta Hawks at hinila nila pababa ang Boston Celtics, 108-92. Lalong ibinaon ng Indiana Pacers ang Oklahoma City Thunder sa ilalim ng West matapos ang overtime, 113-100, habang wagi ng kanilang ika-10 sa 50 laro ang Orlando Magic sa Detroit Pistons, 119-103, sa tapatan ng dalawang kulelat ng East.





Comments