Patuloy na paglaganap ng smuggled na gulay, pahirap sa mga magsasaka
ni Ryan Sison - @Boses | February 21, 2022
Nagpahayag ng pagkabahala ang isang senador hinggil sa nagaganap na umano’y vegetable smuggling.
Ito ay matapos aniyang magpasaklolo ang mga magsasaka sa Benguet dahil pinapatay ng mga gulay mula sa China ang kanilang kabuhayan.
Ayon sa mga magsasaka, lubha umano silang apektado dahil sa pag-aangkat ng gobyerno ng mga gulay at anila, tila mas pinagmamalasakitan ng gobyerno ang mga produkto mula sa China.
At dahil dito, P2.5 milyon ang tinatayang nawawala sa mga magsasaka kada araw.
Halimbawa umano ang carrots, kung saan bumababa ang demand dahil sa mga pumapasok na suplay mula sa China.
Masasabi umanong hindi patas ang kompetisyon dahil mas mura pa ang smuggled na mga gulay mula sa China at binabalewala ng gobyerno ang mga lokal na magsasaka.
Kung tutuusin, matagal nang naiuulat na may ganitong problema sa sektor ng agrikultura. Bagay na lalong nagpahirap sa mga magsasaka at ang masaklap pa, hanggang ngayon ay ito pa rin ang problema.
Kaya kung magpapatuloy ang paglaganap ng suplay mula sa ibang bansa, ano na lang ang mangyayari sa ating mga magsasaka? Paano ‘pag dumating sa puntong mawalan na lang ng gana ang mga magsasaka at tumigil na? Pakiusap sa mga kinauukulan, maging patas naman tayo.
Habang tutok tayo sa pandemya, ‘wag din natin kalimutan ang mga magsasaka.
Hangga’t kaya nila tayong suplayan, suportahan natin sila. Ito ang pinakamabuti nating magagawa upang matulungan silang mapalakas ang kabuhayan, gayundin ang agrikultura.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments