top of page
Search
  • BULGAR

Patuloy ang pagbangon ng mga nasalanta ng bagyong Odette

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | January 23, 2022



Isang buwan pagkatapos manalasa ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao, patuloy pa rin ang pagbangon ng mga nasalantang lugar.


Malaking pondo ang muling gugugulin ng ating pamahalaan upang tulungang makabangon ang ating mga kababayan sa pinsalang dulot ng Bagyong Odette.


☻☻☻


Kada taon ay may karaniwang 22 na bagyo ang pumapasok sa Philippine area of responsibility, at anim hanggang pito ang nagdudulot ng significant na pinsala sa buhay at ari-arian.


Isang paraan na ating nakikita upang mapababa ang epekto at pinsala ng mga bagyo at storm surges ay ang pagtatatag ng mga tinatawag na coastal greenbelts.


Ito ay mga lugar sa dalampasigan na magsisilbing pananggalang laban sa coastal erosion at mapapababa ang natural hazards sa mga bulnerableng dalampasigan at iba pang lugar sa tabing-dagat. Kadalasan ay tinatamnan ito ng mga bakawan at iba pang beach forest species.


☻☻☻


Noong 2019 ay inihain na natin ang Senate Bill number 1082 o ang “Act Establishing the National Coastal Greenbelt Action Plan”. Layon nitong mapababa ang impact ng mga bagyo sa mga coastal communities gamit ang mga inisyatibang environmentally-friendly at cost-effective.


Sa ating panukala, gagawa ng integrated National Coastal Greenbelt Action Plan ang mga ahensiya ng pamahalaan. Kasama sa plano ang assessment at designation ng priority areas, pati na rin ang rehabilitasyon ng mga existing na mangrove at beach forests.


Marami na ring pag-aaral na nagsasabing napapababa ng mga bakawan at coastal forests ang epekto ng mga bagyo, storm surges at tsunami. Abot kaya rin ito kumpara sa mga artipisyal na sea defenses.


Napapababa ang wave energy ng root system ng mga bakawan, kung kaya’t naiibsan ang lakas ng alon na tumatama sa lupa.


Bukod dito ay nagiging habitat ng mga organismo ang root systems ng mga bakawan kung kaya’t napapanatili ang marine ecosystem.


☻☻☻


Kung gugugulan ng pamahalaan ang mga proactive measures tulad nito, imbes na maging reaksiyunaryo ang pagdating ng mga kalamidad, pihadong mapapababa ang gastusin sa rekonstruksiyon at rehabilitasyon, at maiiwasan ang malaking pinsala sa buhay at ari-arian.


☻☻☻

Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page