top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

Patuloy ang benepisyo ng mga medical frontliners kahit expired na ang bisa ng Bayanihan 2

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 10, 2021
  • 2 min read

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | April 10, 2021



Bago tayo tumuloy sa ating kolum, nais muna nating kumustahin ang ating mga kababayan. Sana, patuloy tayong mag-ingat, sumunod sa health and safety protocols at sumangguni sa mga nararapat na awtoridad kung kayo ay may mga nararamdamang sintomas.


Patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 dito sa bansa. Ramdam natin ang hirap at pagod ng ating health workers, lalo na ng mga doktor at nurses.


Noong nakaraang taon, isinabatas natin ang Bayanihan to Recover as One Act o mas kilala bilang Bayanihan 2.


Nakasaad sa batas na ang mga itinakdang benepisyo para sa ating medical frontliners at healthcare workers.


Magpapaso o matatapos ang bisa ng Bayanihan 2 ngayong Hunyo 30, 2021 kaya’t marami tayong naririnig na pag-aalala mula sa ating mga kaibigan at kakilalang healthcare workers. Ang ibig bang sabhin, kapag nag-expire na ang bisa ng Bayanihan 2 ay tapos na rin ang kanilang benefits?


Paniniguro natin sa ating medical frontliners, tuluy-tuloy ang inyong mga benepisyo kahit expired na ang bisa ng Bayanihan 2.


Malinaw na nakasaad sa nilalaman ng Bayanihan 2 na mananatili ang kanilang benepisyo habang nasasailalim ang bansa sa national emergency.


Ano ba ang mga benepisyong ito?


Kasama riyan ang P15,000 financial support sa medical frontliner na tatamaan ng mild to moderate COVID; P100,000 para naman sa severe o critical cases. At para naman sa mga medical frontliners na papanaw habang aktibo sa kanyang propesyon, ang kanyang immediate family ay tatanggap ng P1-M.


Ang probisyong ‘yan ay nariyan na sa batas mula pa noong Bayanihan 1 kaya’t patuloy lang ‘yan habang nasa health crisis tayo.


At liban sa mga kompensasyong ‘yan, mananatili rin ang iba pang benepisyo kahit paso na ang Bayanihan 2. Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod: Buwanang special risk allowance para sa lahat ng public or private health workers na nakadetalye sa COVID patients; hazard duty pay para sa lahat ng frontline health workers; life insurance, accommodation, libreng transportasyon at pagkain para sa lahat ng public at private healthworkers, at lahat ng medical expenses ng public at private health workers na nagkasakit ng COVID at iba pang karamdaman habang nasa active duty ay sakop din ng batas na ito.


Para naman sa mga gustong malaman kung may mga healthcare workers na bang nakatanggap ng mga benepisyo — base sa report ng DOH, umaabot na sa 7,963 health care workers na nagka-COVID ang nakatanggap na ng mga nabanggit.


At dahil patuloy ang pagsisilbi ng ating health care workers sa kabila ng panganib at kahit kakagaling pa lang nila sa COVID ay diretso trabaho na, natural lang na patuloy din ang pagbibigay-benepisyo sa kanila. Ang mga tulong na ito ay maliit na bagay kumpara sa napakalaking tulong na ibinibigay nila sa atin para maisalba ang ating buhay.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page