Patok ang 'Halik' sa dunk ni Simons; Curry, mala-video game sa 3 pts!

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 9, 2021

Nagpamalas ng kakaibang husay si Stephen Curry ng Golden State Warriors upang mauwi ang kanyang ikalawang korona sa MTN Dew Three-Point Contest na bahagi ng 2021 NBA All-Star Game kahapon sa State Farm Arena ng Atlanta, Georgia. Humakot ng 28 puntos si Curry upang talunin sina Mike Conley ng Utah Jazz at Jayson Tatum ng Boston Celtics.
Masama ang simula ni Curry at nagmintis sa unang apat subalit nakuha niya ang porma hanggang ipasok ang huling bola para sa kampeonato, ang kanyang pangalawa matapos ang una noong 2015. Bago noon, binuksan ni Tatum ang finals sa kanyang 17 puntos at nilampasan ito ng 27 ni Conley subalit nabura agad ito
Maaga pa lang ay nagpasikat si Curry sa kanyang 31 puntos sa elimination round at sinundan nina Conley na may 26 at Tatum na may 25 upang tumuloy sa finals. Ang iba pang mga lumahok ay sina Zach LaVine ng Chicago Bulls (22), Donovan Mitchell ng Jazz (21) at Jaylen Brown ng Celtics (17).
Kasama na si Curry sa maikling listahan ng mga may dalawa o higit pang kampeonato na pinangungunahan nina Larry Bird at Craig Hodges na parehong may tatlo. Ang iba pang mga may dalawang kampeonato ay sina Peja Stojakovic, Jeff Hornacek, Mark Price at Jason Kapono.
Muntik na mahalikan ni Anfernee Simons ng Portland Trail Blazers ang ring upang makamit ang AT&T Slam Dunk kontra kay Obi Toppin ng New York Knicks. Sa bagong patakaran ngayong taon, pinili si Simons ng limang hurado imbes na bigyan ng puntos ang nag-iisang dunk sa championship round.
Sa elimination, pumuntos ng 95 si Simons at 94 si Toppin mula sa dalawang dunk. Ang ikatlong kalahok ay si Cassius Stanley ng Indiana Pacers na umabot lang sa 81 ang puntos galing sa mga hurado na lahat ay mga dating kampeon ng Slam Dunk na sina Dominique Wilkins, Spud Webb, Dee Brown, Josh Smith at Jason Richardson.
Matapos pumangalawa noong 2020 ay bumawi si Domantas Sabonis ng Pacers at tinalo si Nikola Vucevic ng Orlando Magic sa isang karera ng mga 6’11” higante para kampeonato ng Taco Bell Skills Challenge. Humabol si Sabonis matapos nahirapan ipasok ni Vucevic ang three points upang wakasan ang karera na may kasamang dribble, pasa at shoot.
Patungo sa tropeo, tinalo ni Sabonis sina Julius Randle ng Knicks sa Round One at Luka Doncic ng Dallas Mavericks sa semifinals. Nanaig si Vucevic kay Robert Covington ng Blazers at Chris Paul ng Phoenix Suns upang itakda ang harapan nila ni Sabonis.





Comments