Pati paggo-grocery nakakaiyak na
@Editorial | Pebrero 10, 2023
Iyak na naman ang mga konsyumer sa panibagong taas-presyo ng mga bilihin.
Magtataas ang presyo ng ilang basic goods base na rin sa inisyung bagong suggested retail price (SRP) guide ng Department of Trade and Industry (DTI). Kabilang dito ang presyo ng mga de-lata, tinapay, gatas, kape, noodles pati sabon, baterya, kandila at iba pa.
Paliwanag ng pamunuan ng DTI, kanilang inuna ang mga manufacturer na nagkaproblema mula sa kanilang pagkalugi o kaya naman ay nagsara dahil sa epekto ng pandemya.
Sa kabila ng pagtaas, ilang manufacturer ang nagpahayag na hihirit pa sila ng umento dahil hindi umano sapat ang itinaas sa SRP.
Kaugnay nito, inihihirit ng mga manggagawa ang P100 umento sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin. Hinikayat ang Kongreso na bumalangkas ng special legislation na maggagarantiya sa pantay na taas-sahod para sa lahat ng mga rehiyon sa bansa.
Napag-alaman na ang halaga ng minimum wage sa Metro Manila ay bumaba ng P88 dahil sa pagtaas ng presyo ng commodities.
Ang tanong, kakayanin ba ng mga employer, lalo na ng mga maliliit na negosyo ang panawagang taas-suweldo? Hindi kaya ang mangyari ay bawas-tao sa halip na dagdag-sahod?
Lahat ay apektado ng mga pagtataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Kapag gumalaw ang isa, tiyak na gagalaw ang iba. Tulad na lang sa presyo ng petrolyo na sa tuwing sumisirit at nangyayari na ang domino effect.
Kaya dagdagan ang pasensya at pang-unawa sa sitwasyon. Mas galingan ang pagba-budget.
Siyempre, mas galingan din sana ng gobyerno ang pagtatrabaho. Pag-aralang maigi kung paano makakasabay sa inflation.
Alalahanin, milyun-milyong Pinoy ang nagtiwala sa administrasyong ito, huwag sana silang mabigo at magsisi.



Comments