Patay sa dengue, 400 na – DOH
ni Lolet Abania | August 30, 2022

Umabot na sa 400 ang bilang ng mga nasawi dahil sa dengue virus sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Martes.
Base sa datos mula sa DOH, ang case fatality rate mula sa mosquito-borne illness ay nasa 0.3 percent.
Ang naitalang bilang ng mga nagka-dengue na nasawi batay sa buwan ay Enero, 35; Pebrero, 31; Marso, 37; Abril, 47; Mayo, 62; Hunyo, 74; Hulyo, 100; Agosto, 14.
Sa nakalipas na 4 na linggo, ang Central Luzon, National Capital Region (NCR), at Cordillera Administrative Region (CAR) ang nakapag-record ng pinakamataas na bilang ng dengue cases.
Ayon sa DOH bulletin, mula Hulyo 17 hanggang Agosto 13 lamang, ang bansa ay nakapagtala ng 19,816 kaso ng dengue.
Nangunguna ang Central Luzon sa pinakamaraming dengue cases na may 3,457 o 17%, kasunod ang Metro Manila na 3,131 o 16% at CAR na may 2,106 o 11%.
Simula noong Enero, ang bansa ay nakapag-tally na ng 118,785 dengue cases, kung saan nasa 143% na pagtaas kumpara sa parehong period noong nakaraang taon na nasa 48,867 kaso.
Umabot ang Central Luzon sa 18% o 21,247 dengue cases, kasunod ang Central Visayas na 10% o 11,390 at Metro Manila na may 9% o 11,064.
Ayon pa sa DOH, anim sa 17 rehiyon ang lumagpas na sa epidemic threshold sa nakalipas na 4 na linggo, kung saan ang NCR ay nakapagpakita ng sustained increasing trend mula Hulyo 17 hanggang Agosto13.
Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa publiko at sa mga lokal na gobyerno na sumunod sa
4S strategy na ibinaba ng ahensiya na Search and destroy breeding places, Secure self-protection, Seek early medical consultation at Support fogging/spraying in hot spot areas.





Comments