Patakaran sa street parking, gawing organisado
- BULGAR

- Sep 11
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 11, 2025

Hindi trapik ang totoong ugat ng sakit-ulo sa kalsada, kundi ang kawalan ng disiplina at organisadong patakaran.
Kaya naman ang pagtalakay ng Metro Manila Council (MMC) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa guidelines para sa street parking ay isang paraan para magkaroon ng maayos na lansangan at ligtas na pagbiyahe.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ilalatag ang opisyal na polisiya sa Setyembre 16. Sinabi ni MMDA chairperson Romando Artes na mismong DILG na ang maghahain ng guidelines sa harap ng MMC, na binubuo ng 17 alkalde sa rehiyon.
Inaasahan din ang kasunod na resolusyon ng konseho at memorandum circular mula sa DILG upang magbigay ng malinaw na direksyon sa implementasyon nito.
Matatandaang nitong Agosto, parehong DILG at MMDA ang nagmungkahi ng partial parking ban sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila. Subalit, nagkakaiba ang kani-kanilang bersyon ng iskedyul.
Para kay DILG Secretary Jonvic Remulla, dapat ipagbawal ang street parking mula alas-5 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi. Sa kabilang banda naman, nais ni Artes na ipatupad lamang ang pagbabawal tuwing rush hours — alas-7 hanggang alas-10 ng umaga at alas-5 hanggang alas-8 ng gabi.
Binigyang-diin naman ng MMC president na mas nais ng ilang lokal na opisyal na panatilihin ang kani-kanilang ordinansa, lalo na sa mga kalyeng hindi itinuturing na abala.
Malinaw na hindi simpleng isyu ang street parking, dahil isa itong pagsubok kung paano pagtutugmain ang interes ng publiko, pangangailangan ng mga motorista, at tungkulin ng pamahalaan na ayusin ang daloy ng trapiko.
Kung tutuusin, pasanin sa mga driver ang limitadong espasyo, pero higit na problema ang oras at productivity na nasasayang araw-araw dahil sa trapik na dala ng mga
sasakyang nakabalandra sa gilid ng kalsada.
Ang parking ban ay dapat tingnan bilang hakbang tungo sa mas disiplinadong paggamit ng mga lansangan. Hindi man ito perpekto at tiyak na may aalma, pero para sa ikaaayos — mas maganda kung iisa ang patakaran para sa buong Metro Manila kaysa kani-kanyang bersyon ng mga lokal na pamahalaan.
Kung kaya ng ibang lungsod na maging mas istrikto, dapat kayanin ng lahat. Dahil kung mananatiling maluwag at walang disiplina sa parking, mananatiling masikip ang daan tungo sa pagbabago.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments