Pasok sa gov't. sa April 5, hanggang 12NN lang

ni Mylene Alfonso | April 1, 2023

Nilinaw ng Malacañang na para lamang sa ilalim ng executive department ang Memorandum Circular No. 16 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kaugnay sa preparasyon sa paggunita sa Holy Week.
Base sa inisyung MC 16 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, suspendido ang trabaho sa mga opisina ng gobyerno sa Abril 5, Miyerkules, simula alas-12 ng tanghali.
“To provide government employees full opportunity to properly observe 06-07 April 2023, regular holidays, and to allow them to travel to and from the different regions in the country, work in government offices on 05 April 2023 is hereby suspended from 12:00 o’clock in the afternoon onwards,” base sa binasang memorandum na may petsang Marso 31.
Gayunman, patuloy ang operasyon ng mga basic at health services at mga ahensya na may kinalaman sa paghahanda o pagtugon sa mga sakuna at kalamidad
Ipinauubaya naman ang pagdedesisyon sa pagsuspindi ng trabaho sa pribadong kumpanya sa kani-kanilang employer.
Matatandang idineklara ng Palasyo na regular holidays ang Abril 6 at 7 bilang pag-obserba sa Huwebes at Biyernes Santo at maging ang Abril 10 na regular holiday bilang Araw ng Kagitingan.





Comments