top of page
WINNER - TITO-KIKO SA 2028, ISINUSULONG-IG _reallysharoncuneta.jpg

Paso ang rehistro, bawal bumiyahe!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 18, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | November 18, 2023


Dahil sa nagkalat na mga delingkwenteng sasakyan o mga hindi rehistradong behikulo sa mga lansangan, nagbaba ng direktiba ang Land Transportation Office (LTO) sa lahat ng kanilang regional offices sa buong bansa na mahigpit na ipatupad ang ‘No Registration, No Travel Policy’ sa iba’t ibang uri ng sasakyan.


Batay sa record ng LTO, mayroong 65 porsyento ng mga sasakyan ang bumibiyahe sa mga lansangan sa bansa na hindi pa rehistrado at dahil dito nasa P37 bilyon revenue losses o nalulugi sa kagawaran dulot ng mga delinquent vehicles o unregistered vehicles na ito.


Paliwanag ni LTO Chief Vigor Mendoza na ayon din sa datos ng ahensya, may 24.7 milyong sasakyan mula sa kabuuang 38.3 milyong sasakyan sa bansa ang maituturing na delinquent motor vehicle, habang may 13.3 milyon o 35 porsyento naman ng mga sasakyan ang nakarehistro lamang.


Giit ni Mendoza na nakakaalarma ang naturang data dahil batay sa kanilang assessments, ang mga delingkwenteng motor vehicles ay maaaring may mga problema sa pagpasa sa mga roadworthiness inspections na kinabibilangan ng emission testing, at wala silang insurance coverage. Sa madaling salita aniya, ang mga naturang sasakyan ay nagiging banta sa kaligtasan sa kalsada o road safety threat. Diin pa niya, kailangan nilang maging mahigpit sa pagpapatupad ng mga batas sa land transport hindi lamang para maging patas sa mga sumusunod sa batas o law-abiding na mga may-ari ng mga sasakyan, kundi pati na rin sa kapakanan ng mga gumagamit ng mga kalsada.


Tama lamang ang nais gawin ng kagawaran na paigtingin ang pag-implementa ng naturang polisiya sa ating mga lansangan.


Marami kasi talagang matitigas ang ulo na mga motorista na kahit paso na ang kanilang rehistro o kaya naman hindi pa nairerehistro ang mga sasakyan nila ay pilit na ginagamit. Ang lalakas din ng loob na bumabagtas pa sa highway na kung minsan ay humahantong tuloy sa hindi inaasahang aksidente.


Hindi biro ang pagdadala ng anumang sasakyan na hindi rehistrado o walang kaukulang papeles para ibiyahe dahil malinaw ito na paglabag sa ating batas-trapiko.


Paalala natin sa ating mga kababayan na huwag na tayong dumagdag pa sa mga hindi talaga maawat na mga pasaway sa kalsada habang matuto sana tayong sumunod sa mga ipatutupad na batas para na rin ito sa ating kabutihan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page