Pasko na, huwag nang dagdagan ang perhuwisyo ng mga komyuter sa kalsada

by Info @Editorial | November 29, 2026

Habang papalapit ang Pasko, lalong bumibigat ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan dahil sa dagsa ng mga mamimili, kaliwa’t kanang Christmas party at iba pang aktibidad.
Taun-taon na lamang itong problema, kaya hindi na dapat nagugulat ang mga kinauukulan. Dapat ay plantsado na ang mga hakbang upang hindi lalong pahirapan ang mga motorista at komyuter.
Paigtingin ang pagpapatupad ng batas-trapiko, alisin ang mga nakahambalang sa kalsada at hulihin ang mga pasaway na motorista. Dapat ding tiyakin na sapat ang mga pampublikong sasakyan, lalo na sa mga oras na dagsa ang mga pasahero.
Gayunman, hindi lahat ay dapat iasa sa mga awtoridad. Kailangan din ng disiplina at pakikiisa ng publiko.
Iwasan ang illegal parking, pagsingit sa linya at pagbababa o pagsasakay ng pasahero kung saan-saan. Kung maaari, agahan na rin ang pamimili at planuhin ang mga lakad upang makaiwas sa matinding trapik.
Huwag nang dagdagan ang perhuwisyo sa kalsada dahil lamang sa katigasan ng ulo at kawalan ng konsiderasyon sa kapwa.
Panahon ng kasiyahan ang Pasko. Huwag nating hayaang maubos ang oras, pasensya at lakas ng bawat isa sa gitna ng matinding trapik.



Comments