Pasig Mayor Vico, sumailalim sa knee treatment
ni Lolet Abania | August 14, 2022

Magiging limitado ang mga aktibidad ni Pasig City Mayor Vico Sotto para sa mga susunod na araw matapos na ibunyag nito na sumailalim siya sa isang platelet-rich plasma (PRP) procedure sa kanyang mga tuhod.
Sa isang Facebook post ngayong Linggo, sinabi ni Sotto na mas kakaunti ang madadaluhan niyang events hanggang Lunes o Martes, bilang advice na rin ng kanyang doktor.
“Hindi ko na maalala ang bawat injury ko sa dami. Pero iyong sa tuhod talaga ang malaking problema dahil ang sakit maglakad tapos kulang ang oras ko para magpa-therapy/gym,” saad ni Sotto.
Nagbiro na lamang ang alkalde sa kanyang kondisyon na aniya para sa isang 33-anyos na tulad niya, parang ang mga tuhod niya ay iyong sa senior citizen.
“Kailangan alagaan din natin ang ating kalusugan,” sabi ni Sotto.
Binanggit naman ni Sotto na matapos ang kanyang procedure ngayong Linggo, ang kanyang mga tuhod ay kailangang sumailalim sa karagdagang procedures, kabilang na ang strengthening program.
Si Sotto ay naging mayor ng Pasig City simula 2019. Nanalo siya ng isa pang 3-taong termino noong May 9 elections.





Comments