Pasaway sa trapiko, tumindi, ‘No Contact Apprehension Policy’, ibalik na
ni Ryan Sison @Boses | November 16, 2023
Dahil sa mas lumala ang mga paglabag sa batas-trapiko ng maraming motorista, inihirit na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad uli ang ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP) sa Kamaynilaan.
Sinabi ni MMDA acting Chairman Don Artes na mas grumabe ang mga nangyayaring paglabag ng mga motorista partikular na ang hindi awtorisadong pagdaan ng mga ito sa EDSA busway simula nang isuspinde ang NCAP.
Giit ni Artes na malaking tulong ang naturang polisiya at paggamit ng teknolohiya dahil sa higit pang nababantayan ang marami nating lansangan laban sa mga pasaway na mga motorista.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ng opisyal na hindi nila kayang bantayan ng manu-mano ang mga lansangan na kanilang nasasakupan ng 24/7 o buong magdamag araw-araw.
Sa ilalim kasi ng NCAP ay maaaring ipatupad ng MMDA at local government units (LGUs) ang mga patakaran sa trapiko, kung saan gumagamit ng teknolohiya sa pagma-manage ng traffic sa mga lansangan. Mayroong mga advance camera systems ito na pinapatakbo ng computer vision artificial intelligence kaya naman huli agad ang mga pasaway na motorista.
Magugunitang naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) laban sa NCAP noong Agosto 2022, kaya itinigil ang pagpapatupad nito.
At kahit na sinimulan na rin ng MMDA nitong Lunes ang pagpapataw ng mas mataas na multa sa mga motorista na ilegal na gagamit ng EDSA busway, marami pa rin ang dumaraan dito.
Dumarami na talaga ang pasaway na mga motorista sa ating mga lansangan. Hindi sila maawat sa ginagawang paglabag at binabalewala ang umiiral na batas-trapiko.
Kung maibabalik nga naman ang nasabing polisiya, siguradong mababawasan ang mga motorista na matitigas ang ulo.
Maiiwasan din ang posibleng aksidente sa mga lansangan kapag naipatupad na muli ang NCAP.
Panawagan lang natin sa kinauukulan na sana ay maaksyunan na agad ang usaping ito para na rin maging maayos ang takbo ng ating mga lansangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments