top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Pasaway sa motorcycle lane, nasampulan na

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 29, 2023
1 min read

@Editorial | March 29, 2023



Umabot sa 1,739 motorista ang nahuli sa unang araw ng implementasyon ng exclusive motorcycle lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.


Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa naturang bilang, 706 ang nahuling motorsiklo habang 1,033 naman ay private cars.


Sa mga hindi pa nakababatid, inilaan ng MMDA ang unang lane mula sa bangketa ng Commonwealth Avenue para sa mga naka-bike, ang ikalawang lane ay para naman sa mga public utility vehicle (PUV), at ang ikatlong lane ay para sa mga motorsiklo habang ang ikaapat hanggang ika-siyam na lane ay para sa iba pang uri ng sasakyan.


Kapag hindi sumunod a mga itinakdang lane, nasa P500 para sa motorcycle drivers at iba pa ang multa habang P1,200 naman para sa mga PUV drivers na hindi susunod.


Anumang batas na ipinatutupad, dapat ay alamin natin at higit sa lahat ay sundin. Ito ay para mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang gastos. Sa hirap ng buhay, 'yung P500 na halos suweldo na sa isang araw, mapupunta pa sa multa dahil sa paglabag sa batas, sobrang sayang.


Wala namang mawawala kung susunod sa batas-trapiko, mas mapapabilis pa ang biyahe, hindi ka maaabala kapag nasita at higit sa lahat, iwas-disgrasya dahil lahat ay nakapirmi sa lane.


Umaasa tayo na magtutuluy-tuloy ang magagandang programa ng gobyerno hanggang sa dumating ang pagkakataon na hindi na kailanganin ang mga bantay dahil may kusa na ang publiko sa pagsunod sa batas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page