top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Pasaway sa illegal parking, tuluyan

Writer: BULGAR
BULGAR
May 10, 2024
2 min read

@Editorial | May 10, 2024



Editorial


Sa isinagawang clearing operation ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umabot sa 89 ang mga sasakyan na naisyuhan ng citation tickets. 


Sa naturang bilang, 26 ang nahatak o na-impound sa impounding area sa Barangay Tumana, Marikina City. 


Aminado ang MMDA na nagbabalikan lang ang mga sasakyan sa dati nilang puwesto matapos ang clearing operation. Tipong kakasita lang ngayon, bukas balikan na naman sa ilegal na pagparada.


Hindi naman daw magsasawa ang ahensya na balik-balikan ang mga lugar hanggang sa magtanda ang mga motorista na ginagawang parking area ang lugar na bawal paradahan. 


Samantala, depende sa sasakyan na mahahatak ang babayaran ng may-ari nito. Kung light vehicles gaya ng sedan, jeep o pickup, ang towing fee ay mula P1,500 sa unang apat na kilometro ng biyahe at karagdagang P200 sa bawat susunod na kilometrahe ng biyahe. 


Kung mga medium size vehicle naman gaya ng truck at bus na may bigat na mula 4,501 hanggang 7,500 kilos, kailangang maghanda ng pantubos na mula P2,500 sa unang apat na kilometro ng biyahe at additional na P200 din sa susunod pang kilometrahe.


Samantala, P4,500 naman ang towing fee para sa malalaking sasakyan gaya ng container van at trailer truck para sa unang apat na kilometro at dagdag na P200 sa succeeding kilometers. 


Nilinaw din ng MMDA na hahatakin pa rin ang sasakyan na ilegal na nakaparada sa isang partikular na lugar kahit pa dumating na ang may-ari nito dahil nagkaroon na ng violation o paglabag sa traffic rules and regulation. 


Sa totoo lang, may bantay man o wala, mag-clearing operation man o hindi, kung talagang disiplinado ang tao, walang problema. Magagamit sana nang maayos ang mga kalsada.


Hindi tuloy natin alam kung tama ba ang desisyon ng Pangulo na huwag ituloy ang mas mataas na multa sa illegal parking lalo’t may mga motorista na hindi talaga marunong sumunod sa batas.


Sana makaisip pa rin ng paraan ang mga otoridad ng mas epektibong batas o panuntunan para masolb ang problema sa illegal parking. At ang mga pasaway, tuluyan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page