Pasaway na motorista, tanggalan agad ng lisensya!
@Editorial | October 21, 2022
Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na approved in principle na ang resolution para sa paglalagay ng motorcycle lane sa Commonwealth Avenue, Quezon City bagama't may kaunti lamang na babaguhin.
Ang mga pagbabagong gagawin ay layong matugunan ang inconsistencies ng mga lane.
Kapag nasimulan na ang motorcycle lane, hindi na papayagan na mag-exit ang mga motorsiklo sa nasabing lanes habang bumabiyahe maliban na lamang kung malapit sa intersection o papunta sa isang establisimyento.
Ang mga lalabag na rider at mga non-motorcycles na dadaan sa naturang lane ay pagmumultahin ng P500.
Ang nasabing motorcycle lane ay kukulayan ng asul at maglalagay din ng cat’s eyes o road studs sa mga lanes.
Ito ay ilalagay sa ikatlong lane mula sa kanang bahagi ng Commonwealth kasunod ng lane para sa public utility vehicles na nakulayan ng dilaw at lane para sa bikes na nakulayan naman ng berde.
Target din ng MMDA na maglagay ng motorcycle lanes sa EDSA at Ortigas Avenues na pinag-aaralan pang maigi.
Ang pagsunod sa mga batas-trapiko ay hindi lamang para makabawas sa trapik kundi iwas-aksidente pa.
Kung lahat ay disiplinado, alam at sinusunod ang mga batas sa kalsada, tuloy-tuloy ang daloy ng trapiko, mas mabilis na biyahe, mas tipid.
Kung may mga pasaway, dapat siguro eh tuluyan agad para hindi gayahin. Okay lang bigyan ng pagkakataon pero 'wag namang paulit-ulit na.
Kailangang magtulungan ng lahat para maging mas maayos at magaan ang ating pamumuhay.
Tayo ay nasa sitwasyon na kailangang mas magtipid at makagawa ng paraan para makabangon mula sa pandemya, kalamidad at krisis.



Comments