top of page
Search
  • BULGAR

Pasaway na car dealers at importers, lagot!

ni Ryan Sison @Boses | Abril 14, 2024



Aprub sa Department of Transportation (DOTr) ang rekomendasyon ng Land Transportation Office (LTO) na magpataw ng mas mabigat na parusa laban sa mga car dealer at importer na nagsasagawa ng mapanlinlang na aktibidad, lalo na sa pagpaparehistro ng mga motor vehicle.

Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza, inaprubahan ni DOTr Secretary Jaime Bautista ang pag-amyenda sa polisiya ng ahensya, ang patawan ng mas mataas na penalties laban sa mga pasaway na manufacturer, assembler, importers, rebuilders, dealers and other entities (MAIRDOE) na awtorisadong mag-import ng mga motor vehicle at components nito.


Sa ilalim ng binagong mahigpit na panuntunan, sinabi ng LTO chief na mas mahigpit na parusa ang ipapataw hinggil sa commission of fraud at maling representasyon sa paghahain ng aplikasyon at mga operasyon nito, kabilang ang stock and sales reporting; at ang pagsusumite ng mga mapanlinlang, peke, o falsified stock/sales periodic reports ayon sa nire-require ng batas, panuntunan, at regulasyon.


Sa unang paglabag, ang mga parusa ay ang Suspension of Certificate of Accreditation na hindi hihigit sa anim na buwan at multa sa halagang P500,000, at pagkansela ng Certificate of Stock Reported (CSR), sales report at registration ng sasakyan. Para sa ikalawang paglabag, ang mga parusa ay pagkansela ng Certificate of Accreditation at blacklisting sa loob ng isang taon mula sa finality ng order of cancellation, at pagkansela ng CSR, sales report at registration ng sasakyan.


Sinabi ni Mendoza na ang period ng suspensyon ay magsisimula lamang kapag natapos na ang order at decision, at pagbabayad ng multa na in-impose at sa panahon ng pagsususpinde, dagdag pa rito ang user log-in ng MAIRDOE ay ide-deactivate.


Ayon sa LTO chief, ang nabanggit na dalawang paglabag ay kinaklasipika bilang “serious”, kaya kasama rin sa penalty ang 90-araw na preventive suspension, na magsisimula pagkatapos matanggap ang Show Cause Order na ilalabas ng LTO.


Kabilang sa mga classified bilang less serious offenses, ang hindi pagsunod o bigong pag-comply sa mga standard requirements, at iba pang mga batas at kanilang implementing rules and regulations na may kaugnayan sa MAIRDOE business operations; at pagpapahintulot sa paggamit ng kanilang akreditasyon ng mga non-accredited persons o entities.


Ang parusa sa first offense ay P100,000 habang P500,000 para sa second offense. Sa third offense, aabot sa P1 milyon ang multa nito. Para sa fourth offense, ang parusa ay ang pagkansela ng Certificate of Accreditation at blacklisting sa loob ng isang taon mula sa finality ng order of cancellation.


Binanggit naman ni Mendoza na ang kaso ng mga mapanlinlang na transaksyon na kinasasangkutan ng dalawang Bugatti Chiron ang nagsilbing eye-opener upang i-review ang umiiral na polisiya at tuluyang maitama ito dahil nabatid nilang masyadong mababa ang naging parusa sa mga ito.


Tama ang naging desisyon ng kinauukulan na mas mabigat na penalty ang ipataw sa mga mahuhuling lumabag na mga car dealer at importer ng mga sasakyan.


Nakakalusot kasi sila sa hindi tamang pagbabayad ng buwis, walang kaukulang dokumento, registration at iba pa.


Kung hindi sila susuriing mabuti at todo-pasa lang ay siguradong tuluy-tuloy ang gagawing panloloko ng mga ito na magdudulot ng mas matinding pagkalugi sa ating gobyerno.


Para sa mga pasaway na car dealer at importer, patakbuhin sana ang inyong mga negosyo ng tama. Tigilan na rin ang panloloko sa kapwa at lumaban kayo ng patas, nang sa gayon ay maging maayos at mabuti inyong pamumuhay.

 


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page