Pasasalamat sa lahat ng naniniwala sa ating pagsisikap
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 27, 2023
Kulang na kulang ang espasyong ito para mabigyan natin ng taos-pusong pasasalamat ang ating mga kababayan at lahat ng mga taong nasa likod ng pagsasakatuparan natin ng maayos ng tungkulin natin bilang lingkod-bayan.
Nagulat at natuwa tayo sa balita na ayon sa taumbayan ay isa tayo sa mga top performing na Senador sa isinagawang survey ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD).
Umabot nang 85% ang ating performance rating sa nagdaang ‘Boses ng Bayan’ survey na RPMD, isa sa nangungunang public opinion poll bodies sa bansa, kung saan pumangalawa tayo sa pinili ng ating mga kababayan.
Ang mga numerong ito ay repleksyon lang ng pagtingin sa amin ng mga tao base sa pagsusuri nila kung paano namin ginagampanan ang aming mga trabaho bilang lingkod-bayan, kaya titiyakin nating hindi masasayang ang mandato na ibinigay sa atin.
Nais ko ring pasalamatan ang staff sa aking opisina, na palaging nasa likuran ko sa lahat ng aking adhikain at dahil sa kanila, mabilis kong naisasakatuparan ang napakarami ko pang plano para sa ating mga kababayan.
Kung inyong napapansin, halos lahat ng isinusumite nating panukalang-batas ay may kaugnayan sa kapakanan ng ating mga kababayang manggagawa tulad ng guro, Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga kahalintulad nila na kailangan ng mga karagdagang benepisyo.
Sa tulong ng aking staff, naihabol pa natin bago mag-recess ang Senado na mag-co-sponsor sa Senate Bill No. 2019 under Committee Report No. 57 at ito ang AN ACT INSTITUTING POLICIES FOR THE PROTECTION AND WELFARE OF CAREGIVERS IN THE PRACTICE OF THEIR PROFESSION.
Tinayuan natin bilang mambabatas ang kapakanan ng bawat caregiver sa ating bansa na labis ang pangangailangan ng suporta, hindi lang dahil sa matindi nilang kontribusyon sa lipunan at ekonomiya kundi dahil mahalagang mabigyan sila ng proteksyon sa kanilang larangan.
Naihabol din natin na mag-co-sponsor sa Senate Bill No. 2028 under Committee Report No. 61 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 10868 o ang ‘Centenarians Act of 2016’ upang ilarga na ang karagdagang benepisyo sa ating senior citizens na may edad 80 at 90, ang inyong lingkod din ang principal author ng naturang bill.
Kung magiging ganap na batas, ang cash gift na kabuuang P100,000 ay hahatiin sa tatlong bigay, una sa edad na 80, pangalawa ay 90 at 100 sa pangatlo, at ang halaga nito ay base sa annual adjustment ng National Economic and Development Authority (NEDA) para akma pa sa mga gastusin.
Bago ‘yan, ini-sponsor din natin ang pagdagdag sa Teaching Supplies Allowance ng mga guro na siya rin nating pangunahing inakda.
Siyempre, hindi kumpleto ang ating pagresponde sa mga kalamidad tulad ng mga biktima ng sunog, lindol, bagyo, pagbaha at mga kahalintulad na trahedya kung wala ang ating mga staff na katulong natin sa pamamahagi ng cash assistance at relief goods.
Sila kasi ang nagbabasta ng lahat ng mga pangangailangan sa ipinamamahagi nating tulong sa ilalim ng ‘Bayanihan Relief’ operations, na ilang panahon na nating isinasagawa at ang pinakahuli ay ang biktima ng Mindoro oil spill.
Ang ‘Boses ng Bayan’ poll ay isa-isang hinimay ang mga naging performance ng mga Senador sa bansa, na nagresulta sa pangunguna ni Sen. Imee Marcos at Sen. Raffy Tulfo na kapwa may 87 rating scores.
Kasunod nito ay ang inyong lingkod, Mark Villar at Loren Legarda na pare-parehong nagtabla sa score na 85 sa job performance rating na naungusan lamang ng dalawang puntos ng mga nanguna, kaya tayo ay napadpad sa ikalawang puwesto.
Nasa ikatlong puwesto naman sina Sen. Robin Padilla at Sen. Francis Escudero na nakakuha ng 82 percent rating, habang nagtabla naman sa ikaapat na puwesto sina Sen. Cynthia Villa at Sen. Grace Poe nay may 78% ng job satisfaction rating.
Nasama naman sa ikalimang puwesto si Sen. Francis Tolentino na nakakuha ng 76%; sinundan nina Sen. Christopher ‘Bong’ Go at Sen. Win Gatchalian na tabla sa 73%; sinundan nina Sen. Sonny Angara at Sen. Alan Cayetano na kapwa may 70%.
Nasa ikawalong puwesto si Sen. Nancy Binay na may 68%; sinundan nina Sen. Senators Koko Pimentel at Sen. Risa Hontiveros na parehong may 65% at Sen. Pia Cayetano na nakakuha ng 63% na naglagay sa kanya sa ikasampung puwesto.
Kabilang din sa mga nakakuha ng mataas na ratings para sa approval at trust sa isinagawang nationwide survey ay sina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., Vice President Sara Duterte, Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, House Speaker Martin Romualdez, mga Cabinet officials at mga ahensya ng pamahalaan.
Ang independent at non-commissioned RPMD nationwide “Boses ng Bayan” poll ay isinagawa sa bawat lungsod sa bawat rehiyon mula Pebrero 25 hanggang Marso 8, 2023, na may 10,000 adult respondent. Ang margin ng error ay +/-1% at 95% confidence level. Ang bilang ng mga sumasagot sa bawat lungsod ay pantay na ibinahagi batay sa opisyal na datos ng populasyon ng pagboto at pinili nang random.
Hindi mahalaga kung naungusan tayo ng dalawang puntos para manguna sa Top Performing Senators, ang mahalaga ay napansin ang ating pagsisikap at du’n pa lamang ay buong puso na ang ating pasasalamat at lalo pa nating pag-iibayuhin ang pagsisikap at muli, maraming salamat sa inyong lahat!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments