Search
  • BULGAR

Pasado na sa Senado, Bayanihan 2...

magsusulong nang mas malawak na tulong sa sambayanan laban sa COVID-19

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 1, 2020


Isang araw matapos ipanawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang agarang pagpasa sa Bayanihan to Recover as One Act o ang Bayanihan 2, kung saan tayo ang nagsilbing awtor at sponsor ay agad naming ipinasa sa Mataas na Kapulungan ang nasabing panukala.


Marami ang nagtatanong, ano raw ba ang maaasahan sa Bayanihan 2?


Nilalayon ng panukalang ito na matulungan ang pamahalaan na maipagpatuloy ang mga napasimulang programa nito sa Bayanihan 1 na magbibigay-soluyon sa mga problemang kinahaharap ng bansa sa patuloy na pananalasa ng COVID-19 at magbibigay-ayuda sa mga labis na naapektuhan.


Sa ilalim ng Bayanihan 2, tinitiyak na may sapat na pondo ang gobyerno para mas matustusan at mapaigting ang testing sa COVID-19, gayundin upang mapalawak ang contact tracing na talaga namang napakahalaga upang malaman ang sirkulasyon ng impeksiyon.


Sinisiguro rin ng panukalang ito na ang lahat ng health worker na magkakasakit o kaya nama’y papanaw sa karamdamang ito ay patuloy na tatanggap ng mga kaukulang benepisyo.


Sa pamamagitan pa rin ng Bayanihan 2, patuloy na matutulungan ng pamahalaan ang Filipino businesses, gayundin ang mga manggagawang hinagupit ng pandemya. Sakop ng government assistance ang mga OFWs na pinauwi o nasuspinde sa kani-kanilang trabaho sa ibang bansa.


Kaukulang P140-B ang nakapaloob na pondo sa Bayanihan 2 na naaprubahan matapos ang mahabang debate.


Para sa Department of Health, upang makabili ng mga karagdagang PCR testing, extraction kits at iba pang mahahalagang gamit para rito, naglaan tayo ng P10-B.


Para naman sa DOLE, sa pagpapatupad nila ng kahilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD, halagang P15-B ang nakapaloob sa panukala.


Halagang P17-B naman ang nakalaan para mapondohan ang unemployment o involuntary separation assistance — ito ang mga displaced workers natin, kasama na rin ang mga probationary project, seasonal, contractual at casual employees sa private health institutions, tourism, culture and the arts, creative industries, construction, public transportation, trade industries at iba pang economic sectors na identified ng DOLE.


Kabuuang P50-B naman ang ilalagak sa mga government financial institutions tulad ng LandBank (P30-B); Development Bank of the Philippines (P15-B) at ang Philippine Guarantee Corporation (P5-B) na maaaring mautangan ng mga MSMEs o maliliit na negosyo sa mababang interest lamang.


Para naman sa sektor agrikultura, halagang P17-B ang mapupunta sa Plant, Plant, Plant program, kasama na ang cash subsidies at interest-free loans sa ilalim ng Agricultural Credti Policy Council.


At para maasistehan din natin ang sektor ng transportasyon na hanggang ngayon ay apektadung-apektado, naglaan din ang panukalang ito ng P17-B na ilalagak sa DOTr para makapagbigay ng pansamantalang kabuhayan sa mga nawalan ng hanabuhay.


Ang tourism industry naman na isa sa malalaking sektor na bumubuhay sa ekonomiya natin na talaga namang nagkalatay dahil sa pandemyang ito, may kaukulan ding pondo na P10-B na ipagkalaloob sa Department of Tourism. Ito ay para matulungan ang mga negosyo sa bansa na may kinalaman sa turismo.


Para sa edukasyon, tutulungan din sila ng pamahlaaan para maisulong ang smart campuses ng mga state universities and colleges para sa bagong sistema ng learning modality nila.


Ang Bayanihan 2, tulad ng una na nating nasabi, pagpapatuloy ito sa mga napasimulang aksiyon ng gobyerno sa ilalim ng Bayanihan 1. Tuluy-tuloy din ang pagkakaloob ng tulong-pinansiyal sa mga lugar na nananatiling napapasailaim sa enhanced community quarantine o ECQ, pero ang mga lugar na nasa GCQ, tulad ng Metro Manila, wala nang matatanggap na ganitong suporta.


Layunin natin sa Bayanihan 2 na anumang mga kakulangan ng Bayanihan 1 ay masustina. Patuloy ang paglaki ng suliranin natin sa COVID, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga biktima, kaya’t nararapat ding paigtingin natin ang lahat ng magagawa natin upang makatulong at masugpo ang lalo pang paglaganap ng karamdamang ito sa buong bansa.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.