Parusa sa mga palpak na kontratista, sibak sa mga Gov't Official na walang alam
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 7, 2023
Nakararamdam na ng pananabik ang marami sa ating mga kababayan sa magiging resulta ng gagawin nating pagpapatawag sa Senado sa pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa darating na Miyerkules, Agosto 9.
Umuusok na ang ating linya at maging ang ating social media account na karamihan ay nagpapahabol pa ng sumbong at reklamo hinggil sa paulit-ulit at hindi maresolbang problema sa baha sa kabila ng daang bilyong pondo na inilagak sa flood control.
Mabigat ang naging karanasan ng marami nating kababayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot ng habagat at Bagyong Egay, kung saan maging ang mga lugar na dating hindi binabaha ay inabot na ng tubig na hanggang ngayon ay nakalubog pa rin.
Bilang chairman ng Senate Committee on Public Works, ipinatawag natin sina DPWH Secretary Manuel M. Bonoan at MMDA Chairperson Romando S. Artes na hindi basta-basta magpapaliwanag lang dahil dapat ay may bitbit silang solusyon upang mabatid kung kaya pa ba nilang maresolba ang problema sa baha.
Mainit na ang taumbayan, ako mismo naiirita na sa paulit-ulit na pagbaha tuwing bumubuhos ang ulan, lalo na ang mga kababayan nating lumulusong mismo sa baha.
Hindi na kailangan dito ang mga dati nang palusot, kailangan ng aksyon kung ano ang dapat gawin para hindi na bumaha.
Sa pagharap nina Bonoan at Artes sa Senado ay bubusisiin nating mabuti kung ano na ang tunay na nangyari sa Flood Control Masterplan na binuo sa pamamagitan ng World Bank na tila walang resultang makabubuti sa sitwasyon ng taumbayan.
Dapat na makumpirma din natin kung tugma pa ba ang masterplan ng mga local government units (LGUs), MMDA at DPWH upang matukoy kung bakit sa kabila ng magagandang paliwanag ng mga ahensyang nabanggit ay tila mas lumalala pa ang sitwasyon.
Sisilipin din ng ating komite ang mga posibleng patakaran kung paano mapapanagot ang mga pribado at pampublikong contractor na makakaperwisyo sa mga drainage at daluyang-tubig -- tulad ng matindi nang pagbabaha sa South Luzon Expressway (SLEX) na ang itinuturong salarin ay ang contractor ng isang mall.
Panahon na para magkaroon ng responsibilidad at accountability ang mga contractor na makakasira sa mga drainage. Matindi kasi ang idinudulot nitong pagbaha. Dapat liwanagin kung ano ang dapat na parusa o pananagutan kung meron man at masiguro na gumagana at maayos ang mga nasira ng mga kontratista.
Tiyak na isa sa magiging katuwiran ng DPWH at MMDA sa isasagawang pagdinig ay ang kawalang disiplina ng ating mga kababayan dahil sa tone-toneladang basura na kanilang nakakalap araw-araw na nagiging sanhi ng mabilis na pagbaha.
Marahil, magandang makipag-ugnayan ang DPWH at MMDA sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil higit ang kanilang kaalaman kung paano mapapakinabangan ang araw-araw na basura — lalo na ang plastic waste sa pamamagitan ng repurposing.
Umaabot umano sa 61,000 metriko tonelada ang basura sa Pilipinas kada araw at 24% nito ay plastic waste, kabilang na rito ang mga plastic sachet, shopping bags at maninipis na bag.
Ngayon, isinusulong ng DENR ang repurposing upang hindi na umano makarating ang basura sa karagatan at kung makikipagtulungan dito ang DPWH at MMDA ay magkakaroon tayo ng isang direksyon kung paano pakikinabangan ang basura at hindi makaperwisyo na nagdudulot ng pagbaha.
Ayon sa DENR, sa pamamagitan ng repurposing ay maaaring gawing furniture, building materials at iba pang produkto ang mga plastic na basura at inilatag na nila ang hakbanging ito sa Palasyo nang makipagpulong sila kamakailan.
Kaya lamang sa bagong hakbanging ito ng DENR ay hindi puwede ang mabagal na pagkilos tulad ng ginagawa ng DPWH at MMDA na kung hindi pa papalapit ang bagyo o malakas na ulan ay hindi pa maglilinis ng mga estero.
Batid kong alam ng DPWH at MMDA ang mga naging problema kung bakit dumanas na naman tayo ng mga pagbaha, kaya lang hindi agad sila kumikilos, para bago umulan ay nakapaghanda sana.
Noong nakaraang pagdinig sa Senado ay tahasang sinabi ng MMDA na handang-handa na sila sa darating na tag-ulan, on the record ‘yan. Pero ano ang nangyari, napakarami ng naperwisyo at may mga nasawi pa at hanggang ngayon ay abala tayo sa pamamahagi ng ayuda.
Kaya ngayon, hindi na tayo basta-basta maniniwala sa mga sasabihin ng DPWH at MMDA dahil mahuhusay sila sa paliwanag pero kulang sa gawa, kailangang makita ko na ng personal kung may patutunguhan pa ba ang kanilang panunungkulan.
Sisiguruhin ko na hindi lamang magtatapos sa imbestigasyon ang pagpapatawag kina Bonoan at Artes dahil sa personal ko nang iinspeksyunin ang mga flood-control structures, gayundin ang mga sub-standard na imprastraktura at mga condemned na proyekto.
Ngayon, kung puro asta lang at hindi naman talaga kaya ang trabaho, mabuting maghanap na tayo ng may kakayahan dahil sayang lang ang ginagastos ng pamahalaan. Abangan natin sa Miyerkules!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments