top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Parusa sa masasangkot sa pekeng kidnapping, dapat lang!

BULGAR
Oct 11, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 11, 2022


Nais mapatawan ng parusa ang sinumang masasangkot sa hoax kidnapping o “kidnap me”.


Ito ay matapos isulong ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez ang House Bill (HB) 539, na naglalayong gawing krimen ang “kidnap me” at maparusahan ang sinumang nasa likod nito.


Ayon sa mambabatas, ang pagsusulong ng panukala ay sa gitna ng mga insidente ng fake kidnapping, kung saan kadalasang biktima ng pagdukot ay ang sariling pamilya ng pekeng biktima na nililinlang para magbigay ng ransom.


Kabilang umano sa mga sangkot ay natalo sa sugal, nagnakaw ng pera, nahuhumaling sa mga bisyo, nalulong sa barkada, atbp.


Base sa datos ng Philippine National Police (PNP) Anti-Kidnapping Group, nasa 35 kaso ng hoax kidnapping ang naitala sa pagitan ng taong 2017 at 2019, habang ang iba pa ay hindi na iniulat sa mga awtoridad.


Samantala, naninindigan ang mambabatas na kailangang matuldukan ang krimen na ito sa pamamagitan ng pagpapataw ng parusa sa mga mapanlinlang na indibidwal na masasangkot dito.


Sa totoo lang, nakakabahala na may mga insidente ng pekeng kidnapping, dahil bukod sa nagdudulot ito ng takot sa pamilya ng mga pekeng biktima, dagdag-trabaho ito para sa mga awtoridad. Imbes na nakatutok ang kapulisan sa iba pang problema, nasasayang ang oras dahil sa mga ganitong insidente. Isa pa, kahit wala naman talagang banta sa kaligtasan, nagdudulot din ito ng pangamba sa publiko.


Hindi pa man naipapasa bilang batas, sana’y magsilbi itong babala sa publiko na dapat seryosohin ang mga ganitong usapin. Iwasan nating magdulot ng takot sa ibang tao, lalo na sa ating mga pamilya.


Kaya naman pakiusap sa mga kinauukulan, bilisan ang pagpasa sa batas. Gayundin, patawan ng mabigat na parusa ang masasangkot sa pekeng kidnapping upang magtanda ang mga ito at hindi tularan ng iba.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page