Partylist representative na may balak rumesbak sa 2022 Elections...
- BULGAR

- Nov 28, 2020
- 2 min read
Buking na bahagi ng mining operations na dahilan kaya lumubog ang lalawigan sa South
ni Chit Luna - @Yari Ka! | November 28, 2020
Mukhang unsiyami na naman ang senatorial bid ng isang kongresista na gustong rumesbak sa nalalapit na 2022 Elections.
Bakit kamo? Nabistong bahagi siya ng mining operations sa sukdulan ang idinulot na perwisyo sa mga sinalantang bayan sa lalawigan sa South.
Ayon sa taong may access sa records ng Department of Environment and Natural Resources at Mines and Geosciences Bureau, mayroon itong malaking stake sa dalawang mining companies na nag-ooperate sa mga bayan sa lalawigang ito.
Ang mga naturang bayan ay kabilang sa mga lubos na sinalanta ng matinding buhos ng ulan dulot ng Bagyong Ulysses. Bagama’t humupa na ang malalim na baha, nananatili lubog sa putik ang maraming bahagi ng mga nasabing bayan — partikular ang mga lugar sa baba ng mga mining sites.
Ayon sa mga saksi, rumaragasang malapot na putik mula sa mga mining sites ang naglubog sa kanilang tahanan.
Gayunman, itinanggi ito ng mga mining operators, kabilang ang kumpanyang kinabibilangan ni Mr. Senatoriable.
Sino nga ba ang nasabing “senatoriable”? Siya ay kilala noong dekada 80 bilang aktibista. Pinasok niya ang mundo ng pulitika bilang konsehal at kalaunan ay tumakbo at nanalong kongresista ng isa sa anim na distrito ng nasabing lungsod.
Naitalaga rin siyang Kalihim ng DENR na kanyang ginamit upang lalo pa siyang makilala.
Gayunman, hindi naging sapat ang kanyang popularidad kaya nang siya’y tumakbong senador, hindi man lang siya nakalapit sa final election results para sa Top 12 senador. Sa madaling salita, gulong siya sa kanyang unang sabak.
Muling tumakbong kongresista, pero hindi para sa kanyang dating distrito. Siya ngayon ay partylist representative na kumakatawan sa sektor ng kalusugan.
Sa totoo lang, malayung-malayo ang kanyang partylist sa aktuwal kanyang isinusulong — ang pagwasak ng kalikasan.
Hindi niya marahil naririnig ang daing at panaghoy ng mga pamilyang patuloy na nasa peligro dahil sa kanilang mining operations, kaya dapat siguro ay testingin niya ang mikropono niyang ginagamit sa Mababang Kapulungan.
Ehem, mike test, mike test!








Comments