Partida, maraming nagugutom na Pinoy… Pabonggahan ng gown sa SONA
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 27, 2022
SENADORA, CONGRESSWOMAN AT MISIS NG MGA MAMBABATAS, PABONGGAHAN SA MAMAMAHALING MGA GOWN SA SONA—Sa State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay nagpabonggahan na naman sa mga suot nilang mamahaling gown ang mga senadora, congresswoman at misis ng mga senador at congressman.
Mantakin n’yo, nagawa pa nilang ipamukha sa publiko na may suot silang mamahaling gown sa panahon ngayon, kung saan marami sa ating mga kababayan ang naghihirap at nagugutom dahil sa pandemya at krisis na dulot ng giyera ng Russia at Ukraine.
◘◘◘
BAKA I-VETO LANG NI P-BBM ANG PANUKALANG I-POSTPONE ANG HALALANG PAMBARANGAY KASI HINDI ITO KASAMA SA KANYANG PRIORITY BILLS—Wala sa priority bills ni P-BBM ang postponement ng barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Kaya’t panawagan kina Speaker Martin Romualdez, Leyte Rep. Richard Gomez, Sen. Chiz Escudero at sa iba pang mambabatas na nagsusulong ipagpaliban ang barangay at SK elections na nakatakda sa Dec. 5, 2022 ay huwag ninyo ‘yan pag-aksayahan ng oras at ‘yung mga priority bills na lang ni P-BBM ang tutukan n’yo kasinga mas malamang i-veto lang ‘yan ng pangulo.
◘◘◘
MALAKING CHANCE NA MATULOY ANG HALALANG PAMBARANGAY—Dahil wala sa mga priority bills ni P-BBM ang pagkansela sa halalang barangay, malaki ang chance matuloy ang barangay at SK elections sa Dec. 5, 2022.
At dahil d’yan, puwede na masabi ng mga residente sa mga barangay sa mga kurakot at pabayang barangay officials sa kanilang lugar na malapit nang matapos ang kanilang happy days.
◘◘◘
KASABWAT NG MGA AGRI SMUGGLERS SA CUSTOMS, PANGALANAN, KASUHAN AT IKULONG—Nanawagan si Sen. Imee Marcos sa kanyang utol na pangalanan, kasuhan at arestuhin na ang mga agri smugglers sa bansa.
Sana, isama na ni P-BBM sa pangalanan, kasuhan at arestuhin ang mga taga-Customs na kasabwat ng mga agri smugglers kasi hindi makalulusot na maipuslit sa ‘Pinas ang mga smuggled products, kung walang kasabwat sa Adwana.





Comments