top of page

Parangal at pagkilala kay Senator Miriam P. Defensor-Santiago

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 21, 2023
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 21, 2023


Kamakailan lamang ay pumasa sa ikatlong pagbasa ang inisponsoran nating panukalang batas na naglalayong ang kahabaan ng Agham at BIR Road sa Quezon City na maging Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue.


Kilala ng mga nakatatanda at mahilig sa pulitika nating Kababayan kung sino si Miriam P. Defensor-Santiago -- siya ay isang abogado, dating hukom, guro ng Saligang Batas at Batas Internasyonal.


Si Santiago ay naglingkod bilang hepe ng Bureau of Immigration (BI) noong 1988 at dati ring naging kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR) mula 1989 hanggang 1991.


Alam n’yo ba na si Miriam ay kilala rin sa tawag na ‘The Iron Lady Of Asia’ dahil sa kanyang husay, talino at hindi matatawarang tapang bukod pa sa napakarespetado nitong inidibidwal.


Kinilala rin siya noong 1997 ng Australian Magazine bilang isa sa ‘The Most Powerful Women in the World’ dahil sa napakarami nitong naging accomplishments at achievements sa panunungkulan nito sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.


Ginawaran siya ng parangal mula sa Magsaysay Award dahil sa ipinakita niyang husay sa kanyang tungkulin sa Bureau of Immigration at pagsapit ng taong 1995 ay kumandidato at nanalong senador si Miriam.


Makailang ulit na pinarangalang pinakamahusay na senador si Santiago at binansagang ‘Queen of Expose’ dahil walang takot nitong pagbubunyag sa mga anomalya sa mga proyekto ng pamahalaan.


Hanggang sa dapuan ito ng sakit noong taong 2014 na umabot sa stage 4 lung cancer at noong ika-29 ng Setyembre, 2016, ganap na alas-8:52 ng umaga ay binawian na ito ng buhay sa edad na 71 habang ginagamot sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City.


Ilan lang ang aking mga nabanggit sa kanyang hindi makalilimutang ambag sa ating kasaysayan na marahil ay sapat lang upang manatili siya sa isipan ng ating mga Kababayan sa pamamagitan ng paggamit natin ng kanyang pangalan bilang kalye sa Quezon City.


Kaya sa ginawa nating talumpati sa Senado ay buong puso nating pinasalamatan ang butihing asawa ni Sen. Miriam na si Atty. Narciso ‘Jun’ Santiago, sampu ng kanyang pamilya na dumalo sa naganap na pagdinig.


Pinasalamatan din natin ang ating mga kasamahan sa Senado dahil sa pagkakapasa ng naturang panukala na nagsilbing author at co-authors na sina Senator Angara, Senator Alan Cayetano, Senator Lapid, Senator Villanueva, Senator Tolentino at Senator Villar.


Malinaw na sumasalamin ito sa ating nagkakaisang pagtingala at paghanga hindi lamang sa mga nakamit, kundi sa mga makabuluhang kontribusyon ni Sen. Miriam sa ating lipunan noong siya ay nabubuhay pa.


Iiwan niya ang isang napakahusay na legasiya na nararapat lamang magsilbing gabay sa ating mga Kababayan upang hindi natin siya malimutan sa ipinamalas niyang panunungkulan na may integridad, dangal, walang pinapanigan, walang takot at hindi alintana kahit malagay pa sa panganib ang kanyang buhay basta’t para sa kapakanan ng taumbayan.


Kaya kahit nasaan man si Sen. Miriam ay mananatili siyang tala ng buong Senado na minsan ay narinig at umalingawngaw ang kanyang tinig dahil sa pakikipaglaban sa kapakanan ng sambayanan.


Sa kanyang pamilya, maraming salamat at ibinahagi nila sa amin ang pagmamahal ni Sen. Miriam hanggang sa huling bahagi ng kanyang buhay.


Sen. Miriam, saludo po kami sa inyo. Mahal na mahal po namin kayo at hindi po namin kayo malilimutan!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page