‘Parade of Stars,’ nagbalik na para sa 2022 MMFF
ni Lolet Abania | December 21, 2022
Opisyal nang nagbalik ang Metro Manila Film Festival (MMFF) sa mga lansangan ngayong taon.
Walong floats na kumakatawan sa bawat movie na naka-lineup ngayong taon ang nagsama-sama sa Quezon City para sa ginanap na “Parade of Stars,” ngayong Miyerkules.
Bukod sa titulo ng mga movie, makikita sa mga floats ang detalye na nire-represent ng bawat pelikula. Hinaluan ito ng mga naggagandang designs para maengganyo ang mga moviegoers na sila ang panoorin sa festival.
Kabilang sa mga artista na nakasakay sa kani-kanilang floats ay sina Jake Cuenca, Vice Ganda, Ivana Alawi, Coco Martin, Jody Sta. Maria, Nadine Lustre, Ian Veneracion, Heaven Peralejo at marami pang iba.
Hindi tulad noong nakaraang taon na ang “Parade of Stars” ay ginawa sa mga ferry boats mula sa Guadalupe Ferry Station hanggang Circuit Makati, at online naman noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic, ang parada ay nag-ikot muli sa mga lansangan sa Quezon City.
Samantala, napili ang bumuo sa “Magic 8” base sa criteria: Artistic Excellence, 40%; Commercial Appeal, 40%; Filipino Cultural Values, 10%; at Global Appeal, 10%.
May theme na “Balik Saya sa MMFF 2022,” ang 48th MMFF ay tatagal mula Disyembre 25, hanggang Enero 7, 2023.





Comments