top of page

Paraan para makalaya sa ilegal na droga

  • BULGAR
  • Mar 15, 2022
  • 2 min read

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | March 15, 2022


Isa pa rin sa mga pinakamalalaking suliraning kinakaharap sa bansa ay ang ilegal na droga.


Batay sa isang survey ng mga estudyante, 1.8% ng mga sumagot sa survey ang umamin sa paggamit ng droga (tinukoy bilang alinman sa marijuana o paggamit ng shabu kahit isang beses sa kanilang buhay) o 1.8 milyon sa 100 milyong Pilipino.


Sa rami ng mga nalululong sa ilegal na droga, mahalaga ang pagtatayo ng mga treatment and rehabilitation center upang magamot ang mga hirap makaalpas mula sa tanikala ng droga, ayon kay Anak Kalusugan Partylist Representative Mike Defensor.


“Walang kwestyon na patuloy na nagiging salot sa ating mga komunidad ang ilegal na droga, mula sa pagkakawatak-watak ng mga pamilya dahil sa isang magulang o anak na lulong sa droga,” ani Defensor.


Ito ang dahilan kaya nais niyang magtayo ng mga bagong rehabilitation at treatment centers upang matulungan ang mga nalululong sa ilegal na droga kapag nanalong alkalde ng Quezon City sa Mayo.


Dagdag ni Defensor, “Batid naming ang mga nakaasa sa droga o drug dependents ay maaaring makapinsala sa kanilang sarili at sa ibang tao kaya gusto naming hikayatin ang mga pamilya na kusang-loob silang dalhin para sa libreng paggamot at rehabilitasyon."

Ngunit bago pa lumala ang adiksyon sa droga, isa sa mga napatunayan nang paraan upang ilayo ang tao sa adiksyon ay ang pagiging aktibo sa sports.


Sa ngayon, mas maraming aktibidad ang tinataguriang uri ng sports – mula sa indibidwal na laro hanggang sa team sports. Anuman ang klase ng sports, may mahahalagang epekto ang mga ito hindi lang sa tao kundi sa pamayanan.


Kung kaya’t ngayon, kasama na sa drug rehab program sa ibang bansa ang sporting activities kung saan nagiging aktibong bahagi rin ang mga kapamilya ng mga drug dependents sa kanilang paggaling.


Ayon sa mga pag-aaral, katulad ng research ni Dr. Rakesh Ghildiyal, bukod sa mga pisikal na benepisyo ng pagsali sa iba't ibang sports, natututo ang tao ng analytical at strategic thinking, at maging ng leadership at social skills.


Maraming nagiging drug dependent o adik kung tawagin sa 'Pinas, dahil kapos ang mga ito ng mga skills na nabanggit, at 'di kalaunan ay ibinabaling ang kanilang atensyon sa droga.


Kaya dagdag din sa pangarap ni Defensor na magtayo sa QC ng isang modernong sports academy.


“Kailangan natin ang sports activities para may pagkaabalahan ang kabataan, at ilayo sila sa iligal na droga,” ayon pa sa congressman na vice chairman ng House Committee on Welfare of Children.


“Lilikha ang sports academy ng bago at mas mahusay na landas para sa mga mag-aaral at out-of-school youth na gustong ituloy ang mga karera sa athletics. Malay natin, makalikha ang sports academy ng mga pinakamahusay na atleta ng bansa,” ayon pa kay Defensor.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page