Para sa voter registrants… ‘Register anywhere’ scheme sa NCR, aarangkada – Comelec
ni Lolet Abania | October 11, 2022

Magkakaroon ang Commission on Elections (Comelec) ng isang pilot test para sa kanilang “register anywhere” scheme sa mga voter registrants sa National Capital Region (NCR).
Sa isang public briefing ngayong Martes, sinabi ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco na sa bagong scheme papayagan ang mga aplikante na magparehistro sa mga booths sa piling establisimyento gaya ng malls.
“Halimbawa dito po sa isang mall sa Manila… meron po kami ilalagay na booth doon para lamang exclusive sa nakatira sa Manila. Pero meron po kami isa pang booth na kahit saang parte ng Metro Manila o NCR nakatira, puwede ka magrehistro doon,” saad ni Laudiangco.
Noong una, ang mga registrants ay kailangang pumunta sa Comelec office o sa mga satellite offices sa kanilang lokalidad kung saan sila naninirahan para magparehistro.
Sa “register anywhere” scheme, ang kanilang application ay ipo-forward na sa isang Comelec office sa kanilang lokalidad kung saan residente ang voter applicant, ayon kay Laudiangco.
“Ang posting ng iyong pangalan to comply with the full disclosure and due process, doon pa rin sa munisipyo mo. ‘Yung ERB hearing… doon pa rin sa city at municipality mo,” sabi ni Laudiangco.
“Sa makatuwid nag-apply ka sa ibang lugar pero lahat ng proseso na gagawin ay doon mismo sa tanggapan namin kung saan ka nakatira,” dagdag niya.
Ayon pa kay Laudiangco, sakaling maging tagumpay ang scheme, plano ng ahensiya na i-expand pa ito.
“Kapag naging successful po at naging handa lahat ng technological infrastracture, umasa po kayo, iro-rollout po namin ito sa buong Pilipinas,” ani Laudiangco.





Comments