Para sa bagong network ni Villar… WILLIE, TODO-DENY NA NANUNULOT NG MGA ARTISTA
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | February 12, 2022

Sinagot ni Willie Revillame ang isyung nanunulot siya ng artista para lumipat sa bubuksang network ni Manny Villar.
Sa episode ng Wowowin last Thursday, binigyang-linaw ng TV host ang mga naglalabasang ito na aniya ay fake news.
“Meron lang akong iki-clear. ‘Yung sumusulat ho na ako raw ay nanunulot ng mga artista, hindi ho totoo ‘yan. Wala pa akong kinakausap at wala pa.
“Napakabastos ko namang tao na nandito pa ako sa GMA, eh, ginagawa ko na ‘yan. Kaya ‘wag n’yo namang isinusulat ‘yung hindi totoo,” pahayag ni Willie.
Kasunod nito ay nagpaliwanag ang TV host kung bakit nagkita sila ni Aga Muhlach kamakailan na ipinost nga ng aktor sa kanyang Instagram account. Marami kasi ang nag-aakala na niyayaya ni Willie na lumipat ang asawa ni Charlene Gonzales sa Villar network.
“'Yung kay Aga Muhlach, inimbita akong mag-lunch, sinorpresa ko siya ru'n, nagkuwentuhan lang kami dahil tungkol sa yate, dahil ho yate ho niya, ipinaayos,” aniya.
Patuloy pa niya, “Even si John Estrada, hindi ko pa ho nakakausap. Maraming nagte-text sa akin na artista, kinukumusta ako, pero wala akong sinasagot sa kanila. So, ‘yun lang ang totoo.”
Sinabi rin ni Willie na hindi totoong walang ino-offer na kontrata sa kanya ang GMA-7.
Napakabait daw sa kanya ng management pero sadyang may mga desisyon lang talaga sa buhay ng isang tao na kailangang gawin.
“Mayroon lang hong mga desisyon sa buhay ng tao na talagang ang sakit, ang bigat, pero kailangan mong gawin, eh. Kasi bakit? Mayroon kang mga pangarap sa buhay mo, eh. At gusto ko ring makatulong sa mga taong nawalan ng trabaho,” saad ni Willie.
Kahapon ay napanood ang last episode ng Wowowin sa GMA-7 at ito rin ang huling araw ni Willie sa network.





Comments