Para mas maraming makinabang…
- BULGAR

- Aug 10, 2020
- 2 min read
HIRIT NG NETIZENS: P5 M DONASYON NI WILLIE SA MGA DRAYBER, 'WAG NANG IDAAN SA GOBYERNO!
ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | August 10, 2020

Marami ang pumupuri sa ginagawang pagtulong ng Wowowin host na si Willie Revillame sa mga jeepney drivers na nawalan ng pagkakakitaan dahil tigil-pasada na naman nang ipatupad uli ang MECQ sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
Naawa at nabagbag ang puso ni Revillame nang mapanood sa telebisyon na balik na naman sa pamamalimos ang mga jeepney drivers na hindi nakakabiyahe. Alam ni Willie na may pamilya rin na binubuhay ang mga ito.
Kaya naman nangako siyang magbibigay ng P5 million cash assistance sa mga jeepney drivers at iba pa 'yung tig-P100 K sa pamilya ng apat na OFWs na namatay sa pagsabog sa Beirut, Lebanon.
May ilang netizens naman ang nag-suggest na sana raw, kesa ipinadaan pa sa gobyerno ang donasyon ay direkta na lang na ipinamahagi ni Willie ang cash na ipantutulong upang maraming jeepney drivers ang makinabang.
May ilang jeepney drivers sa Caloocan na una nang natulungan ni Revillame noong mga unang buwan ng Covid pandemic.
Napakaraming jeepney drivers ang nawalan ng hanapbuhay. Sana, makarating din sa kanila ang ayuda ni Kuya Willie at hindi mapunta sa ibang kamay.
Puwede namang ipagkatiwala ni Revillame sa kanyang staff ang pamamahagi ng cash assistance sa mga jeepney drivers, mas mabilis pang makakarating.
Samantala, maraming nagtatanong-naghahanap kay Hipon Girl (Herlene Budol). Nasaan na raw ito at bigla na lang hindi napanood sa Tutok To Win? Nagkasakit din ba ito tulad ni Donita Nose na tinamaan ng Covid-19?
Napansin din ng mga viewers ng Tutok To Win na wala nang guest stars sa show. Sinadya ba ito ni Revillame dahil ayaw niyang i-risk ang kalusugan ng kanyang mga bisitang artista sa show?
Well, mabuti na rin ang nag-iingat dahil parami nang parami ang mga Covid positive.





Comments