Para makipag-selfie kay P-BBM.. Misis ng British Prime Minister, lumabag sa protocol

ni Mylene Alfonso | May 11, 2023

Upang makipag-selfie kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., tuluyang lumabag sa protocol ang misis ni British Prime Minister Rishi Sunak sa isang reception sa London.
Ayon kay Marcos, sinabi ng asawa ng opisyal na isa sa kanilang mga kasambahay na isang Pilipino ang nagsabi sa kanya na magpa-picture kasama ang Punong Ehekutibo ng Pilipinas.
"So, ang protocol doon sa reception, bawal mag-selfie. Eh, asawa naman siya ng Prime Minister. Sabi niya, I’m going to violate the protocol because sabi raw nung kanilang kasambahay ay huwag kang aalis d'yan hanggang makakuha ka ng picture kasama ng Presidente namin," ani Marcos sa mga mamamahayag.
"Ang galing talaga ng Pinoy," wika pa ng Pangulo.
Ang misis ni Sunak ay kinilala na si Akshata Murthy.
Matatandaang dumalo si Marcos noong weekend sa makasaysayang koronasyon nina King Charles III at Queen Camilla.
Si Marcos ay nasa Labuan Bajo ngayon para dumalo sa 42nd ASEAN Summit.
Sinabi ni Marcos na nagkita sila ni Sunak at nag-usap ng anim hanggang pitong minuto.
Nagpasalamat umano ang British leader sa magandang trabahong ginagawa ng mga Pilipino sa kanilang bansa.
Binanggit din ni Sunak ang naging kontribusyon ng Filipino health worker sa National Health Service na nagsilbi noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
"Well, this is the same thing that comes up every time I meet with leaders. Nagpapasalamat siya sa magandang trabaho ng mga Pilipino’t Pilipina doon sa NHS noong pandemic at kung puwede ba nating dagdagan. Laging may kasunod na ganyan," ayon pa kay Marcos.
"But also, I basically discussed when we were talking politics and I was saying, I was commenting that at least with his election as leader and now Prime Minister, well magkaroon ng kaunting stability in the UK because medyo magulo, eh," dagdag pa ng Pangulo.





Comments