Para maiwasang magpatayan ang hindi nagkakasundong mag-asawa, isabatas na ang deborsyo
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 19, 2022
KUNG MAKAKANSELA ANG BRGY. & SK ELECTIONS, PONDONG P8.5-B AY HUWAG SANANG MAGING PORK BARREL NG MGA CONG.—Ayon sa mga kongresistang pro-Marcos na kaya gusto nilang i-postpone ang barangay & SK (Sangguniang Kabataan) sa Dec. 5, 2022 ay para ang P8.5 bilyong gagastusin sa halalang pambarangay ay magamit ni Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na pantulong sa mga Pilipinong labis naapektuhan ng pandemya.
Kung tuluyang makakansela ang halalang pambarangay, sana nga ay mapunta ang P8.5-B sa ating mga kababayan at hindi pagparte-partehan at maging pork barrel ng mga politicians.
◘◘◘
DAPAT ANG MAS MALAKING P12-B NARAKET NG PHARMALLY SA GOBYERNO ANG PAG-INITAN NG MGA CONG. AT HINDI ANG P8.5-B BUDGET SA HALALANG PAMBARANGAY—Mas malaki ang mahigit P12 bilyon naraket ng Pharmally sa gobyerno kaysa sa P8.5-B pondo sa halalang pambarangay.
Kung nais talaga ng mga kongresista na magkaroon ng bilyun-bilyong pisong pantulong ang gobyerno sa mga kababayang labis naapektuhan ng pandemya, dapat ang naraket ng Pharmally sa overprice na face mask at face shield ang pursigihing mabawi ng mga cong. kasi P12-B 'yan at hindi 'yung masyadong mainit ang kanilang mga mata sa P8.5-B pondo sa barangay at SK elections.
◘◘◘
PARA MAIWASANG MAGPATAYAN ANG HINDI NAGKAKASUNDONG MAG-ASAWA, ISABATAS NA ANG DEBORSYO—Matapos barilin at mapatay ng isang mister ang kanyang misis sa Batangas, kamakalawa.
Sinaksak naman ng isang misis ang kanyang mister kahapon sa San Andres, Maynila.
Maraming ganyang krimen na ang sangkot ay mag-asawa.
Sa isyung 'yan, dapat na talagang maisabatas ang deborsyo sa Pilipinas para ang hindi na nagkakasundong mag-asawa ay madali nang mapaghiwalay upang maiwasang humantong na sila ay magpatayan pa.





Comments