top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Para iwas-peke… Unified vaccination card para sa lahat, napapanahon na

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 16, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | January 16, 2022



Kabilang sa mga pag-iingat na ginagawa ng nasyunal at lokal na pamahalaan ang paglimita sa paggalaw ng mga kababayan nating hindi pa bakunado kontra COVID-19.


Halimbawa nito ang “no vaccine, no ride” policy, na patuloy na umaani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga komyuter at ilang grupo.


Gayundin, ang “no vaccine, no labas” o ang pagbabawal sa mga hindi bakunado na lumabas ng bahay, maliban na lamang kung kukuha ng pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot.


At maging ang mga mall at ilang establisimyento ay naghihigpit na, kung saan bago makapasok ang mga customer ay kailangan munang magpakita ng vaccination card bilang pruweba na bakunado ito. Pero, paano kung ang polisiyang ipinatutupad natin ay nalulusutan pa rin?


Kaugnay nito, talamak ngayon ang paggamit ng pekeng vaccination card, kung saan may mga napapabalita ring nagbebenta nito.


Ang ending, malayang nakakapaglakwatsa ang hindi bakunado dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasusuri ito.


At sa totoo lang, pahirapang matukoy kung lehitimo o hindi ang isang vaccination card dahil magkakaiba ang hitsura nito sa bawat lungsod. Habang ang iba ay may QR code, ‘yung iba naman ay may litrato, at mayroon ding pangunahing impormasyon lamang ang nakalagay tulad ng pangalan, birth date at kung kailan nabakunahan.


Dahil dito, napakadaling gumawa at gumamit ng pekeng vaccination card, lalo pa’t hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasusuri ito.


Nakadidismaya dahil tila wa’ ‘wenta ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan upang labanan ng pandemya.


At tayong mamamayan naman, todo-reklamo na hindi na natapos ang pandemya, pero sa totoo lang, tayo rin ang may kasalanan kung bakit tila paulit-ulit na lang ang nangyayari.


Kaya naman suhestiyon natin, upang masiguradong nasusunod ang polisiyang ito ay ang pagkakaroon ng unified vaccine card.


Gayundin, dapat lahat ng entrance ng mall ay bantay-sarado at kailangang may sapat na kaalaman ang mga sekyu kung paano mabeberipika ang vaccination card.


At kapag may lumabag, parusahan upang madala at hindi na tularan.


Huwag nating sayangin ang mga pagsisikap ng nasyunal at lokal na pamahalaan dahil ang lahat ng ito ay para sa atin ding lahat.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page