Para ‘di matulad ang ‘Pinas sa Turkey… Paghahanda sa mga kalamidad, simulan na!
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 20, 2023
Sa susunod na linggo, may nakatakda tayong pagdinig dahil muli nating pinababalik ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa kawalan nito ng kahandaan para sagutin ang maraming katanungan sa nakaraang pagdinig noong nakaraang Pebrero 14.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Works, pinangunahan natin ang Committee Meeting para sa deliberasyon ng Proposed Senate Resolution No. 67 na aking isinumite.
Hinikayat ng naturang resolusyon ang DPWH at lahat ng local government units na magsagawa ng agarang inspeksyon at review sa mga kasalukuyang gusali at iba pang imprastruktura sa kani-kanilang nasasakupan.
Nais nating matiyak ang full compliance sa itinakdang standard ng National Building Code hinggil sa structural safety at integrity upang mabigyan ng proteksyon ang mga Pilipino, hindi lang sa kanilang pag-aari kung hindi sa buhay ng bawat isa.
Sumentro ang naganap na pagdinig sa pagtulak sa national government at local government units (LGUs) na magsagawa ng agarang audit and review ng mga kasalukuyang gusali at imprastruktura sa ilalim ng kani-kanilang nasasakupan.
Medyo hindi lang natin nagustuhan na wala tayong mapigang sustansya para makatulong ang kinatawan ng DPWH nang humarap sa komite na hindi handa hinggil sa kalagayan ng infrastructure audit na noong nakaraang taon pa iniatas.
Nais lang naman nating alamin ang plano at updates mula sa DPWH at iba pang ahensya na may kinalaman sa kahandaan sakaling may dumating na trahedya tulad ng bagyo at lindol, lalo pa’t napakarami nang bagyong dumadaan sa bansa taun-taon at napakaraming bulkan na regular na nag-aalboroto.
Matindi kasi ang nangyari na umabot sa mahigit 44,000 katao ang nasawi at libu-libo pa ang nasugatan sa magnitude 7.8 earthquake na yumanig sa Turkey at Syria, kamakailan at nadaragdagan pa ang mga biktima.
Libu-libong gusali rin ang gumuho sa dalawang nabanggit na bansa at maraming nais sumaklolo at magbibigay ng tulong ang labis na nababahala sa kalagayan ng northwestern Syria, kung saan mahigit sa apat na milyon katao ang umaasa na ngayon sa humanitarian assistance.
Kasabay ng mismong araw ng pagdinig sa Senado, kinagabihan ay naganap naman ang magnitude 5.1 na lindol sa Tinaga Island, Camarines Norte, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa earthquake bulletin nito, naganap ang pagyanig bandang alas-9:46 ng gabi at ang epicenter nito ay nasa 15 km N 87° E ng Tinaga Island, Camarines Norte.
Ayon sa PHIVOLCS, tectonic in origin ang nagdaang lindol na may lalim na isang kilometro at walang inaasahang pinsala, ngunit maaaring mangyari ang mga aftershocks na minsan ay sunud-sunod pa ang pagyanig.
Ito ang katunayan na ang pagyanig ng lupa ay araw-araw na banta sa ating buhay, kaya hindi ako pumayag na hindi bumalik sa pagdinig ang DPWH dahil kailangang-kailangan ang mga detalye na makatutulong sa isasagawa nating paghahanda.
Tapos habang tinitipa ko ang artikulong ito, ay naagaw na naman ang aking atensyon dahil sa niyanig na naman ng magnitude 6 na lindol ang Batuan, Masbate sa lalim na 10 kilometro bandang alas-2:10 ng madaling-araw.
Ayon pa rin sa PHIVOLCS, nasa VII o kategoryang ‘destructive’ ang naitala sa Masbate City; Intensity V o malakas na pagyanig sa bayan ng Dimasalang, San Fernando at Uson sa Masbate; Intensity IV o moderately strong sa Legazpi City sa Albay, Aroroy, Cataingan, Esperanza, Milagros at Pio V. Corpuz sa Masbate; Irosin at Sorsogon City sa Sorsogon habang intensity III naman ang naitala sa Daraga, Albay.
Samantala, umabot sa 123 ang aftershock na naitala at sa nasabing bilang, 44 ang plotted earthquake, 13 ang felt at may magnitude na 1.5 hanggang 4.2 ang mga aftershocks. Nag-ugat ang pagyanig sa paggalaw ng Philippine Fault-Masbate segment.
Wala pang malaking pinsala na iniulat maliban sa 200 pasyente ng Masbate Provincial Hospital ang agad na inilikas matapos makitaan ng mga bitak ang nasabing pagamutan.
Hindi sa nananakot tayo, pero hindi pa nga tapos ang pagdinig na ating isinasagawa para mapaghanadaan ang mga posibleng pagdating ng sakuna at iba pang trahedya ay nararanasan na natin agad ang mga patunay sa ating sinasabi.
Ngayon heto pa, ilang panahon nang napapabalita ang posibleng pagdating ng tinatawag nating ‘The Big One’ na umano’y malaking banta sa pagkawasak ng maraming bahagi ng Metro Manila dahil sa kinatatakutang West Valley Fault Line.
May naniniwala, mayroong hindi, pero dapat nating alalahanin na ang mga lugar na walang banta ay nakakaranas ng mga pagyanig, kaya lalong dapat nating paghandaan ang mga lugar na may banta dahil mga eksperto ang nagpahayag niyan.
Huwag na nating hintayin na magaya pa tayo sa Turkey at Syria.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments