Para ‘di mag-alisan, ibigay na ang dagdag-benepisyo sa health workers
- BULGAR
- Jun 10, 2023
- 1 min read
@Editorial | June 10, 2023
Bagong kalihim, bagong programa pero lumang problema.
Ito pa rin ang pinangangambahan ng mga health workers kasunod ng pagkakatalaga ng bagong kalihim sa Department of Health (DOH).
Ilang administrasyon na ang dumaan, pangunahing suliranin pa rin ang kakapusan sa health workers. May mga napipilitan pa ring mag-abroad dahil kapos ang suweldo para masuportahan ang pamilya.
Mas lalong naramdaman ang kakulangan sa healthcare workers nitong pandemya. Mas lalong lumakas ang kanilang hinaing para sa benepisyo at dagdag-sahod.
Bagama't hindi matutumbasan ng anumang halaga ang kanilang sakripisyo at buwis-buhay na serbisyo sa publiko, ano ba naman 'yung maibigay man lang ang kanilang ipinapanawagan?
‘Yung matanggap ang benepisyo na nakasaad naman sa batas.
Sana magkatotoo ang mga pahayag ng bagong kalihim na nais umano niyang maiayos ang sistema.
Bilang tugon sa kakulangan ng bansa sa health workers, makikipag-usap umano siya sa Department of Budget and Management (DBM) secretary upang alamin kung ano ang maaaring gawin para mabigyan ng karagdagang benepisyo ang ating mga healthcare workers.
Kung maisasagawa ang hakbang na ito, maaaring maging posible na ang mga nurse at ibang manggagawa ay manatili na lamang sa bansa.
Susuriin din umano ang sahod ng mga nurse sa government health facilities.
Magandang balita ito para sa mga health workers na patuloy na lumalaban at nagtatrabaho sa kabila ng hirap at limitadong suporta na natatanggap nila.
Kung tutuusin, dapat ay matagal na itong inaksyunan ng gobyerno dahil marami nang mga nurse ang napilitang mag-abroad.
Pakiusap sa gobyerno, ibigay na ang nararapat na benepisyo para sa mga health workers bago pa tuluyang mag-alisan.
Tama na ang pagpapaasa sa kanila.



Comments