Para ‘di kapusin sa pondo ang pamahalaan, tigilan na ang pamimigay ng confi at pork barrel funds
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 29, 2023
PINUTAKTI NG BATIKOS SI SEN. DELA ROSA KASI NAG-AALOK SIYA NG CONFI FUNDS SA AHENSYANG HINDI NAMAN HUMIHINGI NITO -- Pinutakti na ng batikos ng publiko at netizens sa social media si Sen. Ronald dela Rosa dahil sa pag-alok nito ng confidential funds kay Dept. of Foreign Affairs (DFA) Sec. Enrique Manalo kahit hindi naman nanghihingi ng "confi funds" ang DFA.
May punto ang publiko at netizens na magalit at batikusin si Sen. Dela Rosa, kasi hindi naman niya sariling pera, kundi pera ng taxpayers ang iniaalok niyang "confi funds" sa DFA, boom!
◘◘◘
SANA PANINDIGAN NG KONGRESO ANG ‘DI PAGBIBIGAY NG CONFI FUNDS SA MGA TRAPO -- Napagkasunduan ng House Committee on Appropriations sa pamumuno ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co at ng iba’t ibang partido-pulitikal sa Kongreso na huwag nang bigyan ng confidential funds ang mga ahensyang walang mandato sa law enforcement at national security, at ang inilaan daw dito ng Dept. of Budget and Management (DBM) na mga "confi funds" ay iri-realign para mapunta bilang dagdag-CIF o Confidential and Intelligence Funds sa Philippine Coast Guard (PCG), National Intelligence and Coordinating Council (NICA) at National Security Adviser (NSA) para ma-counter ang galaw ng ibang bansa na nais sumakop sa West Philippine Sea (WPS).
Sana, panindigan ng mga cong. ang inanunsyo nilang ito kasi sa totoo lang naman, walang “K” o karapatan ang mga trapo (traditional politician) na magka-confi funds, dahil ang mga ahensyang may kinalaman sa law enforcement and national security ang may “K” magka-confidential funds, period!
◘◘◘
KINAKAPOS NG PONDO ANG GOBYERNO DAHIL SA CONFI AT PORK BARREL FUNDS NG MGA TRAPO -- Isang taon bago bumaba sa puwesto si ex-P-Duterte ay inanunsyo ng National Treasury na nagkaroon ng budget deficit o kakapusan ng pondong higit P123.9 billion ang Duterte administration noong year 2021, at nitong nakalipas na buwan ng Agosto 2023 ay inanunsyo rin ng National Treasury na kinapos na ng pondong higit P133 billion ang Marcos admin.
Dalawang bagay lang naman ang dapat gawin ng gobyerno para hindi kapusin sa pondo ang pamahalaan, at ito ay magkaisa ang mga pulitiko na wala nang tatanggap sa kanila ng confidential at pork barrel funds, sigurado, hindi na kakapusin ng pondo ang gobyerno, boom!
◘◘◘
SA PANAHON NI EX-PNOY SOBRA-SOBRA ANG PONDO, SA PANAHON NINA EX-P-DIGONG AT P-BBM KINAKAPOS ANG PONDO NG PAMAHALAAN -- Buti pa noong panahon ni yumaong ex-Pres. Noynoy Aquino, pagbaba niya sa puwesto noong June 30, 2016 ay may sobra-sobrang pondo ang Aquino admin at patunay d’yan na may iniwan si ex-PNoy na higit P1 trillion budget sa pumalit sa kanya sa puwesto noon na si ex-P-Duterte. Pero sa panahon ng Duterte admin noon, at maging sa panahon ngayon ng Marcos admin, nakaka-shock talaga ang inaanunsyo ng National Treasury na kakapusan ng pondo ng gobyerno.
Sa totoo lang, nakakabahala ‘yan, kasi kapag lumaki nang lumaki ang budget deficit o kakapusan ng pondo ng pamahalaan, ang kahahantungan n’yan ay pagkabangkarote ng Philippine gov’t., nakupo!





Comments