Para ‘di extend nang extend… 5 taon termino sa mga barangay official — BBM

ni Jasmin Joy Evangelista | March 13, 2022

Inihayag ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos na itutulak niya ang five-year term para sa mga barangay officials kung siya ang magiging pangulo ng bansa.
“Wag na tayong extend nang extend, postpone nang postpone, palitan na natin ‘yung batas para ang termino ng barangay official ay limang taon na at three-term limit,” pahayag ni Marcos Jr. sa kanyang meet and greet sa mga barangay officials sa Parañaque City.
Paulit-ulit na lang din umano na nire-reschedule ang barangay elections.
“Kung titingnan natin ang kasaysayan ng barangay elections sa kaka-extend natin mula sa simula na nag-postpone ng halalan ay on average ay five years na nakaupo,” aniya.
Simula 1988 ay maraming beses nang na-postpone ang barangay elections.
Noong 2019, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11462 o ang postponement ng May 2020 barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa December 2022.
Sa ilalim ng batas na ito, ang mga barangay elections pagkatapos ng December elections ay isasagawa na sa unang Lunes ng December 2025, kada tatlong taon.
Sa halip na i-postpone ang barangay elections, nais ni Bongbong na amyendahan ang Local Government Code.
“Gawin natin ang termino ng barangay official ay limang taon na talaga. Ang term limit [ay] tatlong termino rin,” ani Marcos Jr.
Sa kabilang banda, ang running-mate ni Marcos na si Davao City Mayor Sara Duterte, ay inihayag naman na itutulak niya ang standardization ng honorarium ng barangay officials.
“Lagi po naming sinasabi na dapat simulan ang pagplano at discussion sa standardization ng compensation o honorarium ng functionaries ng mga tao natin sa barangay para sa buong Pilipinas,” ani Sara.





Comments