top of page
Search
  • BULGAR

PAOwer at Lady Aces, hindi nagpaawat kahit may bagyo

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 27, 2021



Lumipas ang siyam na buwang paghihintay at hindi nag-aksaya ng panahon ang La Union PAOwer na talunin ang Laguna Pistons, 87-57, sa patuloy na aksyon mula sa 2021 Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando, Pampanga Linggo ng gabi.

Bago noon, nagpasiklab ng todo ang Paranaque Lady Aces sa Pacific Water Queens, 85-56, upang buksan ang kanilang kampanya sa 2021 Women’s National Basketball League (WNBL).

Nagbagsak ng 13 sunod-sunod na puntos ang PAOwer sa second quarter upang lumayo, 31-19, at hindi na lumingon pa. Lalong nagtrabaho ang La Union sa second half at hindi sila tumigil na pataasin ang lamang hanggang huling busina.

Nanguna sa atake si Jayson Apolonio na may 16 puntos at sinundan ni Jonathan Ablao na may 15 galing sa apat na tres. Nag-ambag ng 15 si Erven Silverie habang gumawa sina Jap Pambid at Billy Ray Boado ng 12 at 10 puntos para sa La Union na nagtapos ng pangalawa sa kampeon Pampanga Delta sa 2020 Black Arrow Express NBL President’s Cup noong Oktubre.

Umarangkada ang Lady Aces sa second quarter pa lang at mula roon ay hindi na lumingon upang ibigay sa Water Queens ang kanilang ikalawang sunod na talo. Nalimitahan ng mahigpit na depensa ng Paranaque ang Pacific Water sa isang free throw lang loob ng unang walong minuto ng second quarter at lumayo, 41-19, at itinuloy pa rin ng Lady Aces ang pagpapasikat hanggang umabot ng 35 ang lamang sa fourth quarter, 72-37, matapos ang dalawang magkasunod na buslo ni 6’4” Gilas Pilipinas Claire Castro.

Ipinakita ni Allana Lim ang kanyang husay sa 19 puntos at 10 rebounds. Kumuha siya ng malaking tulong kay Jhenn Angeles na may 12 at AJ Gloriani na may 11 puntos.

Sa isa pang laro sa NBL, naitala ng baguhang Mindoro Tamaraws Disiplinados ang kanilang unang tagumpay sa liga kontra sa Zamboanga Valientes MLV, 71-64.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page