Pantay na batas sa lahat ng motorista
@Editorial | March 18, 2023
Matagal nang usapin ang sinasabing diskriminasyon sa mga nakamotorsiklo sa mga checkpoint ng pulisya.
Kahit hindi rider ay napapatanong, bakit mga nakamotor lang ang sinisita ng mga pulis?
Wala bang kriminal na naka-four-wheel?
May mga reklamo rin na insidente ng pangongotong at pangha-harass sa mga rider sa checkpoint.
Nar’yang kinakapkapan, pinabubuksan ang compartment at hinahanapan umano ng kung anu-anong dokumento. Ang isa pa sa matindi, mayroon din umanong pinaplantahan ng ebidensya tulad ng drugs, ang bulsa o compartment para mas malaking pera ang maraket sa mga rider.
Kaya panahon na para sa isinusulong na panukalang-batas na magbibigay ng malinaw at patas na pag-inspeksyon sa mga motorista.
Nauunawaan natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga checkpoint dahil nahaharang ang mga ilegal na gawain, nahuhuli ang mga pasaway sa batas at napipigilan ang krimen. Gayunman, dapat na masiguro na walang nalalagay sa alanganin.
Dapat na ipatupad ang guidelines nang pantay-pantay para sa lahat ng two at four-wheel vehicles para maiwasan ang diskriminasyon laban sa mga motorcycle riders.
Sundin ang 'plain view doctrine' kapag mag-iinspeksyon ng mga sasakyan, kaya hindi maaaring utusan ng pulisya ang mga driver na lumabas sa kanilang sasakyan o bumaba sa motorsiklo nang walang pahintulot nila. Puwede lang ito kung mayroon silang reasonable suspicion na may nagawang krimen ang driver na nasa checkpoint.



Comments