Panoorin lang… PRESYO NG TIKET SA MOVIE NINA ECHO AT ANNE, IBINABA NG VIVA
- BULGAR

- 4 hours ago
- 3 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | January 29, 2026

Photo: FB Anne Curtis
Ini-announce ng Viva Films na ibababa nila ang ticket price sa sinehan ng reunion movie nina Anne Curtis at Jericho Rosales na The Loved One at magiging P275 at P230 na lamang.
Maging sa mga SM Cinemas sa mga probinsiya ay ganoon din ang presyo.
Ayon sa Viva Films, eksklusibo sa SM Cinemas sa Metro Manila at sa mga probinsiya ang presyong ito. Hindi ito ang unang pagkakataon na binawasan ng Viva Films ang presyo ng tiket para sa kapakanan ng mga moviegoers. Ginawa na rin nila ito nang magbukas sa mga sinehan ang Philippine adaptation ng A Werewolf Boy (AWB), ang launching movie ng love team nina Rabin Angeles at Angela Muji noong Enero 14.
Bilang tulong sa industriya ng pelikulang Pilipino, ipinatutupad ng Viva Films ang pagbabawas sa presyo ng cinema tickets upang mahikayat ang mga tao na bumalik sa panonood ng pelikula sa mga sinehan.
Malaki ang epekto sa mga theater owners at movie producers ng mataas at hindi abot-kayang cinema ticket price.
Nakakapanghinayang nga namang gumasta ang mga manonood kaya mas pinipili na lamang nilang hintayin ang pagpapalabas ng mga Tagalog movies sa Netflix.
Ang pinababang presyo ng tiket sa mga sinehan ng SM ay isa lamang sa mga paraan upang matugunan ang problema sa nababawasan na bilang ng moviegoers na dahilan ng paghina ng industriya ng pelikulang Pilipino.
Komento naman ng ilang netizens, “Parang nakakapanghinayang pa rin magbayad ng P275 at P230 kasi pandagdag na rin ‘yun sa mga pamilyang kulang pa sa minimum ang kinikita.”
Sabagay, totoo naman ang komento. Isusubo na lang sa bibig ng isang pamilya, dapat pa bang unahin ang kapritso?
Sa Netflix nga naman, kahit magbayad ka ng P100, isang buong pamilya na ang makakapanood kahit ilang beses pa.
IPINAGDIWANG ni Shuvee Etrata ang kaarawan ni Xyriel Manabat sa pamamagitan ng pagbabahagi ng collage sa Instagram (IG) Stories na nagtatampok ng mga larawan nu’ng nasa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition (PBBCCE) sila.
Makikita sa post ang mga hindi malilimutang sandali na kanilang pinagsamahan sa palabas at ang malalim nilang ugnayan bilang magkaibigan.
Aniya sa caption, “Happiest birthday, my first duo!”
May kasama rin itong pasasalamat, “Mahal na mahal kita palagi, Baby Xyxy (Xyriel). Salamat sa lahat ng ating mga alaala.”
Pahabol pa niya (as is), “Mahal ko ikaw!”
Ipinakita lang ni Shuvee na ang friendship nila ni Xyriel ay hindi pang-camera lang.
Unang nakilala si Xyriel Manabat sa mundo ng showbiz nang sumali siya sa Star Circle Quest: Search for the Next Kiddie Idol noong 2009 kung saan siya ay ginawaran ng ikatlong puwesto.
Ang dating child actress ay pinuri sa kanyang mga pagganap sa 100 Days to Heaven at Ikaw Ay Pag-ibig.
Si Shuvee Etrata naman ay tinaguriang ‘Island Ate ng Cebu’.
NAGPALIWANAG si Anne Curtis sa sagot niya sa basher na “‘Di ‘wag kang manood” na nag-viral sa social media.
Sa isang panayam ay natanong siya tungkol sa movie nila ni Jericho Rosales na The Loved One na may kinalaman sa ghosting.
Bago sumagot, sinabi ni Anne na baka raw makapagsalita na naman siya ng hindi maganda dahil baka masama ang kanyang gising.
Aniya, “Yeah, Taglish ang movie namin. May English-English-an at Tagalog. Pero kung ‘di n’yo type, ‘di ‘wag kayong manood. Ganu’n lang naman ‘yun.”
Nilinaw niyang wala siyang intensiyon na anupaman at hindi raw iyon sarcastic.
Para sa kanya, malambing pa rin ang pagkakasabi niya, bagama’t na-misinterpret ng iba.
Sabi naman ni Echo, “Kung ako ‘yun, sasabihin ko rin, ‘‘Di ‘wag kang manood.’”
Umani ito ng sari-saring reaksiyon mula sa mga netizens, kabilang ang mga nagsabing mas pipiliin na lang nilang manood sa Netflix, habang may ilan namang nagtanggol kay Anne at sinabing natural lamang ang kanyang naging reaksiyon.
May nagsabi ring baka publicity lamang ito, samantalang ang iba ay nagsabing dapat asahan na ang ganitong backlash lalo na’t naghahanap ng mga manonood ang local films.








Comments