Paninira ng ibang Pinoy sa gov’t agency, sobra na; mga sangkot, turuan ng leksiyon!
- BULGAR

- Nov 30, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 30, 2020
Likas sa ‘ting mga Pinoy na gawing katawa-tawa ang bawat sitwasyon.
Kaunting kibot, may pakulong mga banat dahil ‘ika nga, pampa-good vibes lang.
Pero paano kung ang pampa-good vibes para sa ilan ay nakasisira na ng imahe ng iba?
Kamakailan, pinagmukhang katawa-tawa sa internet ang Department of Education (DepEd) sa mga batikos dahil sa mga umano’y mali-maling modules na ginagamit sa distance learning ng milyun-milyong mag-aaral sa bansa.
Bagama’t inamin ng ahensiya ang ilang pagkakamali, anila, hindi sa kanila nagmula ang ibang pagkakamali, kaya hindi sila dapat siraan.
Kaugnay nito, kahit wala pang natatanggap na pormal na reklamo ang Department of Justice (DOJ), handa na silang mag-imbestiga ang laban sa ilang indibidwal na malisyosong nag-aakusa sa DepEd.
Paaaksiyunan sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isyu sa modules matapos ang pahayag ni DepEd Secretary Leonor Briones na hihilingin sa DOJ na habulin ang mga nasa likod ng “false claims”.
Maaari umanong libel o cyberlibel ang kaharapin ng mga matutukoy sa flase claims, depende sa kalalabasan ng imbestigasyon.
Sa totoo lang, wala namang masama sa pagkuha ng atensiyon kung may pagkakamali ang ahensiya ng gobyerno, pero dapat, siguraduhin nating tama ang ating pinupuntirya.
Minsan kasi, akala natin, oks lang dahil tila normal na ito, pero ang totoo, gusto lang natin mang-atake kahit nakasisira tayo ng imahe na pinaghirapang pagandahin ng iba.
Sa halip na tulungang maitama ang pagkakamali, bakit kailangan pang gawing katawa-tawa? Imbes na makatulong tayo, lalo lang lumalalala ang problema. Tsk!
Samantala, pakiusap natin sa mga awtoridad, imbestigahang mabuti ang isyu at panagutin ang dapat managot.
Panahon na para matutunan ng publiko na hindi lahat ay dapat gawing biro, lalo na kung nakaaapekto ito sa imahe ng iba.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments