top of page

Pangmo-monopoly ng grab sa motorcycle taxi, kailangang talupan

  • BULGAR
  • Sep 16, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | September 16, 2022


ISA sa mga naghihikahos na sektor ang transportation industry.


Gumagapang sa hirap ang mga taxi drivers at operators pero hindi sila nasasaklolohan.


◘◘◘


ANG mabigat ay nakakumpitensya sila ng kontrobersyal na “Grab” dahil nagkakamal ito ng limpak-limpak pero simpleng “apps” lamang ang capital.


Sa totoo lang, binili ng Grab ang kakumpitensyang Uber upang makopo ang merkado.


◘◘◘


NGAYON, inaakusahan naman ang Grab ng “backdoor deal” dahil binili rin daw nila ang “Move It.


Ayon kay Atty. Ariel Inton, Founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), maaaring makasama sa mga rider at pasahero ang nangyaring bentahan.


◘◘◘


PERO inamin ni Inton na hindi tinututulan ng LCSP ang pagpasok ng mga bagong players sa industriya.


Pero sana ay gawin ito kapag maayos nang naipatutupad ang batas at mga regulasyon pagdating sa motorcycle taxis.


◘◘◘


SA totoo lang, sangkatutak ang reklamo laban sa Grab kabilang na ang “refund”, matapos mapatunayan umano ng Philippine Competition Commission (PCC) na nagkaroon ng overpricing ang Grab.


Humigit-kumulang P25.45M ang inatasan ni PCC na i-refund ni Grab sa kanilang mga pasahero pero hindi pa rin ito naibabalik.


◘◘◘


HINILING naman ng lider ng Digital Pinoys sa Kamara at Senado na imbestigahan ang backdoor entry ng Grab sa motorcycle taxi.

Dahil mistulang monopoly, maaaring makaranas ng “overpriced” ang mga mananakay.


Naghihingalo na ang mga pasahero, sinusupsup pa ng mga buwitre ang natutuyot na dugo.


◘◘◘


DAPAT na ring imbestigahan ang mga nasa likod ng Expanded Parking Scheme.


Ibina-“bangketa” ang budget, isang modus ito, tulad sa iskandalo ng Fertilizer scam noong 2004.

Kahanay din ito ng NBN-ZTE Deal noong 2007, ang Pork Barrel Scam noong 2013, at ang Parking Scheme noong 2019.


◘◘◘


NABATID na umaabot ang nadarambong na P700 bilyon kada taon, katumbas ng 20 percent ng total budget appropriation ng bansa.


P20 sa bawat P100 ay nauuwi sa bulsa ng mga buwaya.

Ibinunyag mismo ni Sen. Alan Peter Cayetano ang bagong modus na “Expanded Parking Scheme” na minamaniobra umano ang pondo ng DPWH.


◘◘◘


SA dating porma ng parking scheme, medyo mas maliit ang halaga at madalas ay sa bicam na ito nangyayari.


Pero, ngayon — sa National Expenditure Program (NEP) pa lang ay nakasalang na ang “parking fund” bago maihain sa Kongreso.


◘◘◘


MAY mga distrito na babawasan ang allocation “by as much as 90 percent, para malapitan sila at sasabihang ibabalik ang pondo pero may favored contractor na ang mga operator na ito.


Inobasyon sa “pork barrel”?

◘◘◘


SINO kaya ang “Bagong Napoles”?


May makakasuhan kaya at makakalaboso na malalaking isda?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page