Pangmatagalang solusyon para sa problema sa gutom ang kailangan!
- BULGAR
- Sep 14, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | September 14, 2022
Mula sa dating 3.1 milyon, bumaba sa 2.9 milyon ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na nakakaranas ng gutom sa ikalawang bahagi ng 2022.
Nangangahulugan ito na mas kaunti na ang mga Pinoy na nakararanas ng involuntary hunger o hindi nakakakain nang kahit isang beses sa isang araw sa nakalipas na buwan.
Base sa ulat ng Social Weather Stations (SWS), naitala sa 0.6 puntos ang hunger rate noong Hunyo 2022, bagay na mas mababa sa 12.2% o nasa 3.1 milyong pamilya noong Abril 2022, at 0.2 puntos na mas mababa sa 11.8% o 3.0 milyon noong Disyembre 2021.
Gayunman, mas mataas ito nang 1.6 puntos sa 10% o nasa 2.5 milyong pamilya noong Setyembre 2021.
Samantala, pinakamaraming nakaranas ng gutom sa mga pamilya mula sa National Capital Region (NCR) na nasa 14.7%. Sinundan naman ito ng Mindanao (14.0), Balance Luzon (11.9%) at Visayas (5.7%).
Gayundin, natuklasan sa survey na 48% ng mga pamilyang Pinoy ang nagsabi na sila ay mahirap o “poor”, 31% ang nasa “borderline poor” at 21% ang hindi mahirap o “not poor”.
Ang naturang survey ay nilahukan ng 1,500 adults at isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews
Bagama’t magandang balita na bumaba na ang bilang ng mga walang makain, hindi maitatangging marami pa rin tayong mga kababayan na nagugutom.
Gayunman, hindi lingid sa ating kaalaman na ang gutom ang isa sa pinakamalaking problema sa bansa. At batid nating kahirapan ang dahilan kaya maraming Pilipino ang nagugutom.
Dagdag pa ang hirap na makahanap ng trabaho, kaya gustuhin mang kumayod para mairaos ang mga pangangailangan, no choice kundi magtiis sa gutom.
Hangad nating may gawin ang gobyerno upang matulungan ang ating mga kababayan sa problemang ito. Hindi man sa pamamagitan ng ayuda, sana’y pangmatagalang solusyon upang wala nang pamilyang magugutom.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments