Panginoon, maraming salamat sa 40 taon, pari magpakailanman…
- BULGAR
- Mar 19, 2022
- 3 min read
TULOY ANG PAGSUNOD, PAGLILINGKOD AT PAGTITIWALA
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 19, 2022
Ika-18 ng Marso, 1982, apatnapung taon na ang nakararaan. Sampung taon nang naibaba ang Martial Law o Batas Militar. Ang nakaraang sampung taon mula 1972 hanggang 1982 ay ang kakaibang paghuhubog na tinanggap ko bilang seminaristang nag-aaral at naghahandang maging pari.
Kakaibang panahon, kakaibang yugto ng kasaysayan ang mga taong iyon. Sa maraming bahagi ng mundo, nagsimulang lumitaw ang mga malulupit, gahamang diktador.
Nagsimulang magnilay, magdasal at bumuo ng kakaibang pananaw sa Diyos, tao at lipunan ang Simbahan. Isinilang ang kakaibang teolohiya at espirituwalidad. At tinawag ito sa Ingles na “Liberation Theology” o “Teololiya ng Pagpapalaya” sa Pilipino. Una itong nakilala bilang “Teologia de la Liberacion” ( Espanol) sa Amerika Latina kung saan lumaganap ang mga pamahalaang awtoritaryan o ang mga pamahalaang pinamumunuan ng mga diktador.
Isa sa unang nakilalang propesor ng Liberation Theology ay si Padre Gustavo Gutierrez ng Peru. Naalala ko pa ang kakaibang pakiramdam at pananaw na naidulot ng mga sinulat ng mga unang guro ng naturang Teolohiya ng Pagpapalaya. Hindi naging mahirap unawain ang pananaw at mga damdaming napapaloob sa Teolohiya ng Pagpapalaya dahil hindi malayo ang kapaligiran at kalagayang umiiral sa lipunang Pilipino sa iba’t ibang bansa sa Amerika Latina.
Kakaiba ang kalagayan at sitwasyon ng ating bansa noong mga panahong iyon. Mula 1972 hanggang 1982 matindi ang pinagdaanan ng lahat dahil sa pagpataw ng Batas Militar. Naranasan ang curfew at ang tuluy-tuloy na pag-aresto sa mga itinuring na kalaban ng estado. Nawala ang kalayaan ng pamamahayag. Ipinasara ang maraming pahayagan. Ipinasara ang ABS-CBN at ang ilan pang istasyon ng radyo at TV. Lumaganap ang takot. Tumahimik at lumungkot ang kapaligiran. Ilan din sa aking mga kaibigan at kakilala ay inaresto at nawala.
Usung-uso noon ang “red-tagging”. Kung ikaw ay aktibista, matapang at malakas na mamamahayag laban sa mga abuso at pagkakamali ng estado at ng mga opisyal nito, ikaw ay mamanmanan at madaling babansagang pula, pulahan o komunista at hindi maglalaon ay maaaresto rin.
At habang lugmok sa takot at pangamba ang lahat, tuluy-tuloy pa rin ang pag-party at pagpapasasa sa luho ng mga nasa puwesto at nakasandal sa pader ng matibay na ugnayan o koneksyon sa Pangulong-Diktador.
Ito po ang panahon ng aking pagka-pari. Hindi makakaila ang panganib at walang katapusang banta ng kamay na bakal laban sa mga malakas, matapang at maprinsipyong mamamahayag.
Mabilis ang mga pangyayari. Maraming hinuli, kinulong, pinahirapan, nawala at pinatay. Sa loob ng dalawampu’t isang taon (1965-1986) ng panunungkulan ng mga Marcos, tinamasa nila ang napakalaking salapi na aabot ng milyun-milyong dolyar o bilyun-bilyong piso.
Ganito ang sitwasyon at kalagayan ng lipunang Pilipino noong ako ay ordinahan bilang pari noong ika-18 ng Marso 1982. Kaya noong ako ay idinestino ni Jaime Cardinal Sin sa mga una kong parokya, hindi ko mapigilan o pinigilan ang aking bibig sa pamamahayag ng mabuting balita ng kalayaan at kaligtasan sa kaapihan at pang-aabuso ng mga nasa puwesto. Sa loob ng ilang buwan mula ang ordinasyon, nadestino ako sa Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman. At mula noon hanggang ngayon naranasan ko na ang halos lahat ng panganib mula pagtanggap ng mga banta hanggang sa makulong at mapagalitan ng mga namumuno sa Simbahan. Hindi ko na maidedetalye ang mga karanasang ito. Sapat nang banggitin ko ang sari-saring hirap at panggigipit na naranasan ko noong nagsisimula pa lamang akong pari hanggang sa umabot ako sa ika-40 taon mula ordinasyon.
Madaling ma-red tag noon hanggang ngayon. Madaling mamanmanan, masundan at maaresto at makulong. Kung wala kang kakilalang magtatanggol sa 'yo, hindi malayong mapahirapan, matortyur at baka patayin at walain pa ang iyong bangkay.
Nasubukan ko na ring lumayo, mag-self-exile (2006-2017) dahil sa pagdiriin mula sa Simbahan maging ng pamahalaan. Nasubukan ko na ring manahimik at pansamantalang umiwas sa pakikisangkot upang iwasan ang hindi pa napapanahong pakikisangkot. At sa lahat ng mga karanasang ito, sa awa ng Diyos hindi nawala o nanghina ang aking pagmamahal sa Simbahan at sa bokasyong tinangap ko mula rito.
Apatnapung taon na akong pari noong Biyernes, ika-18 ng Marso 2022, at muli na namang kakaiba at bukod-tangi ang sitwasyon, 'ika nga’y “extraordinary situation”.
Mapanganib, walang katiyakan, kumplikado, nakakapagod at nakakatakot at nakawawala ng lakas at tapang ang kapaligiran. Parang bumabalik muli sa mga unang panahon ng aking pagka-pari. Kakaiba at mapanganib na naman ang kasalukuyang panahon, apatnapung taon makaraan ang aking ordinasyon. Bakit ganito? Parang hindi nagbago.
Subalit, merong napakalaking pagbabago. Makaraan ang apatnapung taon, malinaw na malinaw na sa lahat ng oras, naroroon Siya, tapat Siyang tumawag sa akin na sumunod sa Kanya.
Maraming maraming salamat po Mahal na Panginoong Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Tuloy po ang pagsunod, paglilingkod, pagtataya at pagtitiwala. Amen.




Comments