‘Pangingikil’ ng ilang taga-gobyerno, dapat pigilan
- BULGAR

- Aug 18
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 18, 2025

Nakakangitngit na sa kabila ng makabagong sistema at mga pangakong malinis na pamahalaan, heto’t muling lumulutang ang ugat ng lumang sakit — extortion.
Ito ay nangyari sa isang city hall, kung saan inaasahan ng publiko ang mabilis at tapat na serbisyo, pero isang empleyado ang nahuli dahil umano sa pangingikil. Para bang patunay ito na kahit gaano pa ka-digital ang proseso, kung may pusong gahaman sa kapangyarihan, patuloy na nalalason ang serbisyo-publiko.
Nadakip naman sa entrapment operation ang empleyado, matapos ireklamo ng isang negosyante. Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), tinakot umano ng suspek ang biktima sa pamamagitan ng text message na sinasabing ipasasara ang negosyo nito dahil sa expired certificate. Hinihingan pa raw ng halos P850,000 kapalit ng pagproseso ng dokumento at renewal ng business permit. Gayunman, hindi nagpaloko ang negosyante at agad na idinulog ang reklamo sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU). Sa isang fast food chain sa Quezon City, doon nahuli ang suspek na naaktuhang tinatanggap ang pera.
Mariing kinondena naman ng pamahalaang lungsod ang pangyayari. Anila, hindi nila kukunsintihin ang kahit sinong empleyadong sangkot sa extortion o bribery at anumang uri ng korupsiyon. Tiniyak din ng Quezon City government na may internal investigation na isinasagawa upang matukoy kung may iba pang kasabwat ang empleyado.
Dagdag nila, wala nang dahilan para makipagtransaksyon sa fixers dahil 100% online na ang mga aplikasyon sa permits at dokumento. Giit pa nila, hindi sila papayag na mabahiran ng anumang katiwalian.
Ang mga fixer at extortionist sa loob ng tanggapan ng gobyerno ay parang anay na unti-unting sumisira sa tiwala ng taumbayan. At ang ganitong klase ng report hindi man bago, ngunit dapat nating ikabahala. Ito ay dahil isang empleyado lang ang lumihis ng landas ng paglilingkod tiyak na mawawasak hindi lamang ang pangalan ng opisina, kundi ang mismong dignidad ng pamahalaan.
Kung may teknolohiya at online systems na, dapat sigurong mawala na ang puwang para sa korupsiyon. Ang problema, hindi makina o technology ang ugat ng katiwalian, kundi tao. Kaya naman lahat tayo ay may tungkulin hindi lang ang gobyerno sa laban kontra-korupsiyon, kung saan dapat ipatupad nang tama ang batas at parusahan ang sinumang lumabag.
Gayundin, ang mga mamamayan ay kailangang maging mapagmatyag at matapang na magsumbong, habang ang mga opisyal ay dapat maging ehemplo ng integridad.
Isipin din na kung mananatiling ugali ang pangingikil at panunuhol ng mga taga-gobyerno, ang tunay na talo ay ang mamamayan, at ang bayan na nalulugmok sa paulit-ulit na siklo ng katiwalian.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments