by Info @Editorial | June 30, 2024
Nakababahala na ang sunud-sunod na panghoholdap sa mga convenience store.
Pinakahuli ang naganap sa Taytay, Rizal at Plaridel, Bulacan.
Kung saan, naaresto ang dalawa sa anim na sangkot umano sa panghoholdap sa dalawang convenience stores sa mga nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon, ang mga suspect ay lulan ng isang SUV.
Bago hinoldap ng mga suspek ang convenience store sa Taytay ay sinubukan pa umano nilang pumunta sa isa pang convenience store sa Antipolo. Marahil ay napansin umano nila na alerto o mayroong sekyu at maraming kostumer kaya hindi nila ito itinuloy at sa bayan ng Taytay sila nagpunta.
Pagkatapos mangholdap sa convenience store sa Taytay ay dumayo pa sila sa Plaridel, Bulacan at nangholdap din ng isa pang convenience store.
Agad nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis para maaresto ang mga suspek. Kung saan, nasakote ang dalawang suspek sa Pampanga habang pinaghahanap pa ang apat na kasama.
Nabawi sa kanila ang sasakyan na ginamit nila sa panghoholdap, mga pekeng plaka, baril, cable tie, martilyo at crowbar na ginagamit umano nila sa pagbukas ng mga vault. May mga pekeng uniporme rin ng pulis na nakuha sa kanilang sasakyan, pero iimbestigahan pa kung saan ito ginagamit ng mga suspek.
Sa ganitong sitwasyon napakahalaga na may mga guwardiya at CCTV cameras ang mga establisimyento. Ganundin, ang presensiya ng mga pulis sa mga lugar na mainit sa mata ng mga kriminal lalo na ‘pag alanganing oras.
Hindi dapat nagkakaroon ng pagkakataon ang mga masasamang loob na makalusot.
Sa panahon na tila nagkalat ang mga walang konsensiya, dapat na maging mas maagap at mapagmatiyag.
Comments