Pangalan ng mga namatay nang botante, ‘di na maaalis sa voters’ list – Comelec
- BULGAR

- May 5, 2022
- 1 min read
ni Zel Fernandez | May 5, 2022

Aminado ang Commission on Elections (Comelec) na hindi na umano nila matatanggal sa voters’ list ang mga pangalan ng mga botanteng namayapa na.
Paliwanag ng Comelec, tapos na ang panahon upang linisin ang listahan para sa darating na eleksiyon dahil naaayon din umano sa batas na dapat ang civil registrar ang magpasa sa kanila ng mga death certificates na magiging basehan ng ahensiya sa wastong pagtatanggal ng pangalan ng mga namatay na mula sa listahan ng mga botante.
Ani Comelec Commissioner George Garcia sa press briefing ng Malacañang, kinakailangan munang maisumite sa Comelec ang mga kaukulang sertipikasyon, na isinasagawa ng civil registry nang quarterly, bilang katibayan na ang isang indibidwal ay namayapa na bago ito tuluyang alisin sa voters’ list.
Samakatuwid, nangangahulugan aniya ito na hangga’t wala silang natatanggap na certification ay hindi nila maaaring tanggalin na lamang mula sa listahan ang pangalan ng mga pumanaw nang botante.




Comments